PATAY ang isang 54-anyos na ginang nang makulong sa nasusunog na bahay sa Gomez St., Paco, Manila nitong Miyerkoles ng madaling araw.
Kinilala ang biktimang si Loida Reyes Decayman, residente ng Gomez St., Paco, sakop ng Barangay 823.
Base sa ulat ng Manila Fire Department ng Bureau of Fire Protection, bandang alas-4:25 ng madaling araw nang sumiklab ang sunog sa unang palapag ng bahay ng biktima sa #1467 Int. 29, Gomez St., Paco dahil sa pumutok na rice cooker.
Umabot ang sunog sa ikaapat na alarma bago tuluyang naideklarang under control dakong alas-7:28 ng umaga.
Ayon sa pagsisiyasat ng Arson Division, umabot sa 50 kabahayan natupok sa sunog at 100 pamilya ang nawalan ng tirahan.
Tinatayang aabot sa P500,000 ang halaga ng mga ari-ariang tinupok ng apoy. (RENE CRISOSTOMO)
