GINANG PATAY SA SUNTOK NG LIVE-IN PARTNER?

patay

CAVITE – Hinihinalang namatay sa suntok ng kanyang live-in partner ang isang ginang na napuruhan sa kaliwang tenga makaraang magtalo na nauwi sa pananakit sa bayan ng Indang sa lalawigang ito, noong Huwebes ng gabi.

Isinugod sa Gen. Emilio Aguinaldo Hospital ang biktimang si Annaliza Atatado, nasa hustong edad, subalit namatay habang nilalapatan ng lunas dahil sa suntok ng kanyang live-in partner na si Robert Ramirez, nasa hustong edad, kapwa residente ng Brgy. Kaytambong, Indang, Cavite.

Ayon sa ulat ni P/SMSgt. Oliver Riazon Jr., ng Indang Police, bago nangyari ang insidente, nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawa dakong alas-7:30 noong Miyerkoles ng gabi na nauwi sa pananakit ng suspek. Sinuntok umano ng suspek sa kaliwang tenga ang biktima sa kanilang bahay.

Ngunit ang kanilang away-mag-asawa ay naresolba nang parehong magtungo sa Barangay Hall ng Brgy. Kaytambong at nagkasundong aayusin na lamang nila ito.

Subalit dakong alas-11:00 ng gabi nang makaramdam ng hirap sa paghinga ang biktima kaya isinugod sa ospital ng kanyang kapatid at ideklarang patay na ito.

Isasailalim sa awtopsiya ang bangkay ng biktima upang matiyak na dahil sa suntok kaya namatay ang ginang. (SIGFRED ADSUARA)

128

Related posts

Leave a Comment