SA kabila ng mga problema gaya ng kakapusan sa oras at paghahanda, nanindigan si noo’y Philippine President Ferdinand Marcos na ituloy ang paghohost ng bansa sa XI Southeast Asian Games. Katwiran nya: “After all, the theme of the Games is solidarity.”
Noong taong iyon, dalawang taon pa lamang ang Project: Gintong Alay na pinamumunuan ng pamangkin ng Pangulo na si Michael Keon. Sa kabila nito, ang produkto ng programa, ang 16-anyos sprinter na si Lydia de Vega ay nagpasiklab sa regional meet.
Sa opening rites ng Games, dumalo ang Pangulong Marcos at tumayo sa entablado ng bagong repair noon na Rizal Memorial Sports Complex upang i-welcome ang 10 miyembrong bansa. Kasama ang iba pang sports officials ng bansa, gusto nilang ipakita na hindi aatras ang mga Pinoy sa anumang laban.
Bago ito, noong 1977 SEA Games sa Kuala Lumpur ay tumapos na panlima lang ang Pilipinas. Umakyat naman tayo ng isang baytang (pang-apat) noong 1979 sa Jakarta. At noong 1981, pumangatlo sa pangkalahatan ang mga Pinoy– salamat sa kabayanihan ng kinilalang “Asia’s Sprint Queen” na si Lydia “Diay” de Vega.
Limang araw makaraan ang pagbubukas ng Games (Disyembre 11), nagpakilala ang mahabang biyas at may magandang mukhang
si Diay sa track oval. Suot ang kanyang spikes, tumakbo siya sa 200-meter event at iniwan ang mga kalaban tungo sa finish line.
Dumagundong ang buong stadium sa sigawan ng mga nagbubunying manonood sa kanyang kauna-unahang gold sa biennial meet. Ang mas kahanga-hanga pa, nagtala siya ng bagong SEA Games record sa 200m– na 11 taon ang dumaan bago nahigitan ni Asian athletics great Chi Cheng.
Muling sumabak si Diay sa 400-meter, at hindi niya binigo ang mga kababayang dumagsa para panoorin siya nang makakuha rin ng gold medal at record-shattering performance. Mas pinag-usapan pa nga siya ng local at international sports media kaysa idineklarang overall champion Indonesia, na kasabay ng Pilipinas at Brunei na naging miyembro ng SEA Games Federation noong 1977.
Nanguna ang Indonesia na may 85 gintong medalya, 73 silver at 56 bronze medals. Pumangalawa ang Thailand na may 62 golds, at pangatlo ang Pilipinas (55-55-77).
Sa loob ng siyam na araw na Games, apat na beses nanood si Pangulong Marcos, at siya pa mismo ang nagsabit ng gintong medalya kay Diay noong manalo ito sa 200m dash. At sa kanyang speech sa closing ceremonies, hinimok ng Pangulo ang mga bisitang atleta na ipamalita nila sa kanilang pag-uwi ang maganda nilang karanasan sa Pilipinas.
“Speak of the friendship that, I’m sure, all of you have made here. Tell your people, above all, of the common hope which that burning flame stands for,” sabi pa ni Pres. Marcos.
