BATO, BASTE NAG-SHARE NG AI VIDEO KINASTIGO

BINATIKOS ng Malakanyang sina Senador Ronald “Bato” dela Rosa at Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte sa pagbabahagi ng AI (artificial intelligence)-generated video sa social media, tinawag ang kanilang aksyon bilang ‘iresponsable’ at nakasisira sa tiwala ng publiko.

Ang video, inilalarawan ang dalawang lalaking estudyante na nagpapaliwanag ng kanilang pagtutol sa impeachment ni Vice President Sara Duterte, ay ipinahayag na deepfake o gawa ng artificial intelligence.

Sa kabila na may label ito at may hashtag na #AI, maraming mga manonood ang naniwala na ito’y tunay kabilang na si del Rosa, na nag-repost nito na kaagad namang nakatikim ng kritisismo mula sa netizens.

Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na ang ginawang pagbabahagi ng fake content ng mga public official ay nagpapahina sa pagsisikap ng gobyerno na labanan ang disinformation.

“Ang pagshe-share ng mga katulad niyan — muli disinformation, fake news — hindi po sana nanggagaling sa mga opisyal ng pamahalaan,” ang sinabi ni Castro.

“Nakakaduda, mas nakakawala ng tiwala kung mismong sa matataas na opisyal nanggagaling ang mga disinformation at fake news,” dagdag na pahayag ni Castro.

Sinabi pa ni Castro na mabilis na kinorek ng publiko ang nasabing video at binigyang-diin ang nagpapatuloy na pagsisikap ng administrasyon na labanan ang fake news.

Hinikayat naman ni Castro ang mga sangkot na opisyal na tanggapin ang kanilang pagkakamali at panagutan ang kanilang nagawang mali.

(CHRISTIAN DALE)

86

Related posts

Leave a Comment