GLORIA ROMERO PUMANAW NA

Nagluluksa ang industriya ng pelikulang Pilipino matapos sumakabilang-buhay ang itinuturing na “First Lady” ng Philippine Cinema na si Ms. Gloria Romero, sa edad na 91.

Nitong January 25, araw ng Sabado, kinumpirma mismo ng kanyang nag-iisang anak na si Maritess Gutierrez, sa isang news report na mapayapang pumanaw si Romero at bumalik na sa tahanan ng Poong Maykapal.

Nakatakda ang kanyang wake sa Arlington Memorial Chapel sa Quezon City.

“Sa panahong ito ng pagkawala, lubos na pinahahalagahan ng aming pamilya ang suporta, panalangin, pakikiramay, lahat ng magagandang mensahe at taos-pusong pakikiramay na aming natanggap,” sabi ni Gutierrez sa social media. “Siguradong mami-miss siya.”

Magugunitang si Ms. Gloria Romero, na lumabas sa mahigit 250 na pelikula at TV productions, ay malawak na tinuturing bilang “First Lady of Philippine Cinema.”

Nakatanggap siya ng maraming movie citation kabilang ang Best Actress at Best Supporting Actress awards mula sa FAMAS, Film Academy of the Philippines, Gawad Urian Awards, at iba pa.

Kabilang sa mga pelikulang pumatok at tumabo sa takilya na lalong nagpakilala sa husay niyang gumanap ang Dalagang Ilocana (1954), Nagbabagang Luha (1988) and Tanging Yaman (2000).

Noong nakaraang Pebrero 2024, binigyan siya ng isang espesyal na pagpupugay ng kanyang mga kaibigan, kapwa artista, na karamihan sa kanila ay mismong mga luminary ng pelikula, na nagdiriwang ng kanyang ika-90 kaarawan.

Si Gloria ay kasal sa namayapa na ring aktor na si Juancho Gutierrez at may isang anak, si Maritess. (JULIET PACOT)

32

Related posts

Leave a Comment