GOBYERNO, MULING KINALAMPAG PARA ALISIN ANG VAT SA PETROLYO

KINALAMPAG muli ni Senador Imee Marcos ang gobyerno na agarang aksyunan ang lumalalang epekto ng mataas na presyo ng krudo sa sektor ng pangingisda at agrikultura.

“Hindi lang ito problema sa iilang lugar. Lahat tinatamaan, mula GenSan hanggang Zamboanga, lalo na sa mga lugar na umaasa sa pangingisda. Hindi na nga halos makapalaot ang mangingisda sa mahal ng diesel,” pahayag ni Marcos.

Iginiit ng senador na kung walang agarang tulong, tuluyan nang malulugi ang mga maliliit nating mangingisda.

“Puwede ba i-suspend na muna ang VAT sa petrolyo—lalo na para sa municipal fisherfolk at BFAR-registered commercial fishing? Maawa naman kayo kahit papano. Gutom ang aabutin nating lahat dito,” dagdag niya.

“Kung VAT mismo ang tatanggalin, ramdam agad nila ‘yan, malaking tulong yan para sa kanila.”

Binanggit din ni Marcos na dapat isama sa konsiderasyon ang mga magsasaka at iba pang agricultural producers na pareho ring umaaray sa taas ng gastos sa produksyon.

“Ang ending nito, hindi lang sila, pati tayo tatamaan. Kapag tumigil sila, tataas ang presyo ng pagkain. Simple lang naman ‘yan, ano ba ang ‘di niyo gets?”

Giit pa niya, kung kayang magbigay ng tax relief sa ibang sektor, mas lalong dapat unahin ang mga direktang nagpapakain sa bansa.

“Inuulit ko, hindi lahat ng sektor ang sakop ng suspensyon ng VAT. Nakatuon ito sa mga maliliit, mahihirap, at naghihikahos na sektor—para naman kahit paano, mabigyan natin sila ng kaunting ginhawa,” pagtatapos ni Marcos.

(Dang Samson-Garcia)

55

Related posts

Leave a Comment