NANINIWALA si Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia na kung ang mga kabaong na natagpuan sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila ay sadyang iniwan bilang simbolo ng protesta, malinaw ang ipinahihiwatig ng mga ito—napuno na ang maraming Pilipino sa umano’y patuloy na panggigipit ng China sa West Philippine Sea.
Ayon kay Goitia, matagal nang sinusubok ng China ang pasensya ng sambayanang Pilipino sa pamamagitan ng umano’y pangha-harass sa mga mangingisda, paghadlang sa Philippine Coast Guard at Hukbong Dagat, at paghamon sa karapatan ng bansa sa kabila ng umiiral na arbitral ruling.
“Ngunit may hangganan ang pasensya ng bawat bansa. At tila narating na iyon ng sambayanang Pilipino,” ani Goitia.
Sinabi niyang hindi lamang iisang insidente ang dahilan ng lumalalim na galit ng publiko kundi ang matagal nang serye ng umano’y panggigipit ng China at paghamon sa soberanya ng Pilipinas.
“Huwag ninyong ipagkamali ang ating pagpipigil sa pagsuko. Walang bansang may dangal ang magtitiis sa walang humpay na pang-aalipusta,” dagdag niya.
Kinuwestiyon din ni Goitia ang paraan ng pag-uulat ng ilang media outlet na aniya’y may pagkiling sa China, at sinabing may karapatan ang publiko na magtanong kung hindi naipapakita ang mahahalagang detalye kaugnay ng insidente.
Nilinaw naman niya na ang pagtutol ng mga Pilipino ay hindi laban sa mamamayang Tsino kundi sa mga patakaran at pagkilos na aniya’y lumalabag sa soberanya ng Pilipinas at sa pandaigdigang batas.
Nagbabala rin si Goitia sa Beijing na huwag ipagkamali ang pagpipigil ng Pilipinas bilang kahinaan.
“Ang pasensya ay hindi pagsuko. Ang diplomasya ay hindi pagpapasakop,” aniya.
Idinagdag niyang anuman ang tunay na layunin ng mga nag-iwan ng mga kabaong, malinaw umanong ipinahihiwatig ng mga ito na “napuno na ang mga Pilipino,” at ang hinihingi lamang ng bansa ay paggalang sa soberanya, pandaigdigang batas at dignidad ng sambayanang Pilipino.
71 