KINUWESTIYON ng United Filipino Consumers and Commuters (UFCC) ang pagbili ng retail tycoon na si Lucio Co, sa pamamagitan ng Crystal Bridges Holding Corp., sa PrimeWater Infrastructure Corp., na ngayo’y Hiraya Water Corp., dahil kailangan umanong magkaroon muna ng malinaw at nakasulat na pahintulot mula sa mga local water district na ka-joint venture nito.
Ayon kay UFCC Chairperson Rodolfo “Ka RJ” Javellana Jr., hindi maituturing na ordinaryong pribadong transaksyon ang bentahan dahil nagpapatakbo ang PrimeWater ng mga public water system sa ilalim ng joint venture agreements (JVA) sa mga government-owned local water district.
“Kung nagbago ang kumokontrol sa private partner, dapat alam at pumayag ang mga water district,” ani Javellana.
Binanggit ng grupo ang Section 6.2(b) ng 2013 Revised NEDA Joint Venture Guidelines na nagsasaad na hindi maaaring ilipat ng private-sector partner ang interes nito sa JV company nang walang express written consent ng government entity habang umiiral ang joint venture.
Hinamon ng UFCC ang Hiraya Water at Crystal Bridges na ilabas kung aling mga water district ang nabigyan ng kumpletong impormasyon hinggil sa acquisition at kung alin ang nagbigay ng express written consent.
Nanawagan din ang grupo sa mga local water district na suriin ang kanilang mga JVA at humingi ng legal na payo bago aprubahan ang anumang pagbabago sa ownership at control ng kanilang private-sector partner.
(JULIET PACOT)
73 