BINANATAN ni Senior Citizens Party-list Representative Rodolfo Ordanes ang pananakit ni Leyte Representative Richard “Goma” Gomez sa isang nakatatandang opisyal ng sports official sa SEA Games sa Thailand.
Para kay Ordanes, hindi tama ang ginawa ni Gomez kay Philippine Fencing Association (PFA) President Rene Gamuca.
Base sa mga ulat, sinaktan at minura umano ni Gomez si Gamuca dahil hindi nagustuhan ang pagpapalit ng atleta na sasabak sa fencing competition.
Nabatid na kababayan ni Gomez sa Ormoc City si Alexa Larrazabal at nakatikim din diumano ang atleta ng pambu-bully sa mga opisyal ng PFA.
“Malinaw sa akin ang simpleng katotohanan. Ang paggalang sa nakakatanda ay hindi lamang kaugalian – ito ay obligasyon. Ito ang pundasyon ng isang lipunang marunong kumilala sa sakripisyo, karanasan, at dignidad ng mga nauna sa atin,” sabi ni Ordanes.
Nilinaw naman ng mambabatas na wala siyang hinihusgahan sa pangyayari ngunit hindi niya palalagpasin ang ginawa sa 64-anyos na si Gamuca.
“Sa gitna ng tensyon, aberya at matitinding emosyon – ang paggalang sa matanda ay hindi dapat nawawala,” dagdag pa ni Ordanes.
Nabatid na si Gomez ay opisyal din ng PFA at dating pinamunuan ang asosasyon.
Samantala, may pahayag si Gamuca na hindi niya tatanggapin sakaling humingi ng paumanhin ni Gomez.
83 