GOVERNOR ISINABIT SA ABDUCTION

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

MULI na namang mahaharap sa panibagong kasong kriminal si Quezon Province Gov. Danilo Suarez matapos ituro ng mismong dinukot na kaanak ng biktima ng kidnapping, serious illegal detention at rape na saksi rin sa tangkang pang-aareglo sa nasabing mga kaso sa halagang P3 milyon, pero nabigo.

Sa isang presscon kamakailan, iniharap ng grupong Citizens Movement Against Corruption, Crime, Illegal Drugs and Gambling, Inc. sa pamumuno ni Prof. Salvador Singson-de Guzman si Anamarie Santiago, tiyahin ng biktima ng kidnapping, serious illegal detention at rape na isinampa laban kay Lopez, Quezon Councilor Arkie Manuel Ortiz-Yulde.

Ayon sa sinumpaang salaysay ni Santiago, bago niya sinamahan si Atty. Joana Suarez, anak ni Gov. Suarez sa bahay ng biktima at pinsang si Rose Rosario Tapiador sa Pasig upang alukin na aregluhin ang kaso, ay dinukot siya ng tatlong bodyguard ng gobernador noong madaling araw ng Setyembre 22, 2021.

Dakong alas-2 ng madaling araw ng nabanggit na petsa habang natutulog siya sa kanilang nirerentahang bahay sa Malabon City kasama ang live-in partner na si Rodel nang katukin ang pintuan ng kanyang bahay. Pagbukas niya ng pintuan kaagad pumasok ang tatlong armadong lalaki na naka-bonnet.

Kaagad na hinawakan ng isa sa mga ito ang mga kamay ni Anamarie at sinabihan siyang sumama nang maayos sa kanila dahil “ipinasusundo siya ni Gov. Suarez”.
Sinubukan ni Rodel na isalba si Anamarie subalit sinuntok at sinipa umano ito ng isa pang armado at sinabihan na si Anamarie lang ang “kailangan ni governor”.
Pinagbantaan din si Rodel na huwag magsusumbong sa pulis at kahit kanino dahil papatayin nila si Anamarie kapag ito ay nagsumbong.

Ayon pa kay Anamarie, kaagad siyang isinakay sa puting van at nakita niya sa loob ng sasakyan ang hipag na si Myrna na taga Mauban, Quezon province at siyang nagturo kung saan siya nakatira.

Hindi niya nakausap ang hipag dahil pinagbawalan ng mga armado na magsalita habang nakasakay sila at hanggang makarating sila sa opisina ni Gov. Suarez sa Kapitolyo ng Quezon province.

Wala umano ang gobernador nang dumating sila kaya naghintay sila subalit inabot ng maghapon ay hindi ito dumating.

Pinakain at pinatulog si Anamarie sa isang kuwarto sa Kapitolyo ng isang babaeng hindi nagpakilala.

Dumating aniya si Gov. Suarez sa Kapitolyo, Setyembre 24 at nakausap ito ni Anamarie. Pinakiusapan ng governor si Anamarie na tulungan niyang makalabas ng kulungan si Yulde.

“Tulungan ko raw si Councilor Yulde na makalabas ng kulungan dahil kailangan siya ni Gov. Suarez at ito raw ang ginamit niya sa pagsasampa ng kaso sa Ombudsman laban sa isang opisyal,” ayon pa kay Anamarie.

Sinabi pa umano ni Gov. Suarez kay Anamarie na samahan niya ang anak nitong si Atty. Suarez sa bahay ng pamangkin at pinsang si Rosario at pakiusapan silang magpa-areglo na at babayaran sila.

“Nakaharap ako at narinig ko ang mga sinabi ni Atty. Suarez sa mag-ina na magbibigay si Gov. Suarez ng P3-milyong cash pero magbibigay muna siya ng P2-milyong cash at ang balanse na 1 milyon piso ay ibibigay niya kapag pumirma na ang biktima ng Affidavit of Desistance,” sabi ni Anamarie.

Ayon naman kay Prof. de Guzman, ang pahayag ni Anamarie ay matibay na basehan upang kasuhan si Gov. Suarez at anak nitong abogada dahil gusto nilang pagtakpan ang mga kaso ni Yulde sa publiko at ito ay maliwanag na paglabag sa batas.

Hindi pa nakukuha ang panig ng gobernador hinggil sa panibagong pagdadawit sa kanyang pangalan. Nauna na niyang itinanggi ang mga naunang paratang kabilang ang kinuwestyong pagkawala umano ng COVID response funds sa lalawigan.

282

Related posts

Leave a Comment