GOV’T AGENCIES PINAKILOS NI PBBM PARA SA BANTA NG SUPER TYPHOON

INATASAN ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang lahat ng kinauukulang ahensiya ng pamahalaan na magpatupad ng whole-of-government approach bilang paghahanda sa inaasahang pagpasok ng Super Typhoon Bavi sa bansa.

Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, malinaw ang direktiba ng Pangulo na kumilos ang lahat ng ahensyang may kinalaman sa disaster preparedness.

“Ito naman po ay whole-of-government approach so lahat po ng ahensya na involved ay kailangan pong kumilos — iyan po ang utos ng Pangulo,” ani Castro.

Inatasan ng Pangulo ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na magsagawa ng pre-disaster risk assessment meetings at panatilihing naka-standby ang lahat ng response clusters.

Kasama rin sa mga ipinag-utos ang pagpapalabas ng mga alert warning at information campaign, pagpapatupad ng preemptive evacuation sa mga high-risk areas, paghahanda ng evacuation centers, paglalagay ng rescue teams at relief goods, at pagtukoy ng mga alternatibong ruta.

Inatasan din ang mga kinauukulang ahensiya na magpatupad ng sea travel bans kung kinakailangan, inspeksyunin ang mahahalagang imprastraktura, at bantayan ang mga posibleng flood-related diseases.

Ayon sa ulat, inaasahang papasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Super Typhoon Bavi sa gabi ng Martes o madaling araw ng Miyerkules, Hulyo 8.

(CHRISTIAN DALE)

65

Related posts

Leave a Comment