‘GOV’T EMPLOYEE’ NAMBUDOL SA INUMAN, TIMBOG

CAVITE – Inaresto ang isang nagpakilalang empleyado sa gobyerno na tumangging magbayad matapos uminom at nanutok ng baril sa bayan ng Silang sa lalawigan nitong Huwebes ng madaling araw.

Nakapiit na sa Silang Municipal Police Station ang suspek na si alyas “Michael”, 35, isang personal bodyguard, ng Barangay Gregoria De Jesus, GMA, Cavite.

Ayon sa reklamo ni alyas “Archie”, 30, doorman ng Highway Star Bar sa Brgy. Banaba, Silang, Cavite, pumasok ang suspek at nag-order ng isang bucket ng beer, pero nang natapos uminom bandang alas-12:45 ng madaling araw at tumangging magbayad, nanutok ng baril at nagpakilalang empleyado ng gobyerno.

Agad namang tumawag ang floor manager ng mga pulis na inaresto ang suspek at kinumpiska ang Glock 23 Gen 4 cal. 40 pistol na may limang bala.

Pagkaraan ay nagpakilala ang suspek na siya ay isang personal bodyguard.

(SIGFRED ADSUARA)

81

Related posts

Leave a Comment