LIMANG drug personality, kabilang ang isang 17-anyos na totoy, ang dinamba sa isang hinihinalang drug den noong Biyernes ng gabi sa Valenzuela City.
Ibinalibag sa selda ang mga suspek na sina Paulo Rejuzo, 26, ng Bagong Sikat, Purok 4, Mapulang Lupa; Alexander Calub, 38, ng Home Centrum Subd., Mapulang Lupa; Richmon Laguna, 27; Aeriel Vincent Corneta, 22, ng Guansing St., Marulas, at ang 17-anyos na Grade 8 student na si alyas “Tukmol”.
Ayon sa ulat, alas-11:50 ng gabi nang ikasa ang buy-bust operation sa Unit-4 Trinidad Building sa West Service Road, Paso De Blas kung saan isang undercover cop ang nakaiskor kay Rejuzo ng P500 halaga ng umano’y shabu.
Nang kunin ni Rejuzo ang marked money mula sa isang poseur buyer, kapalit ng shabu, ay agad siyang dinakma ng mga awtoridad habang nabulaga namang bumabatak ang apat pang mga suspek, kabilang si alyas “Tukmol,” sa loob ng nasabing bahay na isa umanong drug den.
Nakuha sa pag-iingat ng mga suspek ang apat na gramo ng shabu na may standard drug price na P27,200, apat na cell phone, buy-bust money, P590 salapi at drug paraphernalia. (ALAIN AJERO)
