PINANGUNAHAN ni Senador Bam Aquino, chairman ng Senate Committee on Basic Education, ang pagdinig hinggil sa pagpapalakas at pagpapalawak ng Anti-Bullying Act para mas maprotektahan ang mga estudyanteng biktima ng pambu-bully sa mga paaralan, lalo na sa public schools. Dumalo rin sa pagdinig sina Senador Raffy Tulfo at Senador Win Gatchalian. (DANNY BACOLOD)
MAY malaking epekto sa academic performance ng mga estudyante ang bullying, ayon sa Second Congressional Commission on Education (EDCOM II).
Sa pagdinig ng Senate Committee on Basic Education tungkol sa implementasyon ng Anti-Bullying Act, ipinrisinta ni EDCOM II Technical Specialist for Basic Education Riz Comia ang datos na nagpapakitang bumababa ang test scores ng mga estudyanteng nakararanas ng pambu-bully.
Ayon kay Comia, ang madalas na bullying ay nagdudulot ng malaking pagbaba sa marka ng mga mag-aaral.
Batay sa 2019 Trends in International Mathematics and Science Study (TIMSS), ang mga estudyanteng nabubully kada linggo ay may 41 puntos na mas mababang score sa Math at 52 puntos sa Science kumpara sa mga nabu-bully lamang kada buwan.
Samantala, lumitaw sa 2022 Programme for International Student Assessment (PISA) na 43% ng female learners at 53% ng male learners ang nakaranas ng bullying nang maraming beses sa loob ng isang buwan.
Sa pag-aaral naman ng Southeast Asia Primary Learning Metrics, lumabas na 50% ng Grade 5 students ang nakaranas ng bullying kahit isang beses kada buwan.
Binanggit din ng EDCOM II ang ilang problema sa administrasyon ng mga paaralan tulad ng underreporting ng bullying cases at kakulangan ng mga tauhang tutok sa paghawak ng mga insidente.
Ayon sa komisyon, 79% ng guidance counselor plantilla positions sa public schools ang nananatiling bakante.
Dahil dito, ilang senador ang naglatag ng mga rekomendasyon upang masawata ang lumalalang bullying na itinuturing na ngayong isang krisis sa mga paaralan.
Iminungkahi ni Senador Raffy Tulfo sa Department of Education (DepEd) na makipag-ugnayan sa Philippine National Police (PNP) upang magdeploy ng mga pulis sa paaralan, maglagay ng CCTV cameras sa mga silid-aralan, at magsagawa ng anti-bullying campaigns kasama ang Parent-Teachers Association.
Iginiit din ni Tulfo na dapat paglinisin at pagawain ng proyekto sa paaralan ang mga magulang ng mga bully bilang paraan ng pagdidisiplina.
Ipinrisinta rin ng senador sa pagdinig ang ilang viral videos ng pananakit ng estudyante sa kapwa mag-aaral, kabilang ang mga insidente sa Ilocos Sur at Quezon City.
Binanggit din ang kaso ng pananaksak ng estudyante sa kaklase sa Parañaque City, gayundin ang salaysay ng isang magulang na naniniwalang nagpakamatay ang kanyang anak matapos maging biktima ng bullying.
Sa panig naman ni Senador Bam Aquino, iminungkahi ang mas maagang pagre-report ng bullying incidents at mahigpit na pagpapatupad ng parusa laban sa mga bully.
Iminungkahi rin ni Senador Erwin Tulfo ang pagtatatag ng hotline kung saan maaaring magsumbong ang mga biktima o saksi ng bullying.
(DANG SAMSON-GARCIA)
63 