GRUPO NG MAGSASAKA, MAY PANGAMBA SA FOOD EMERGENCY

RAPIDO NI TULFO

NAG-AALALA ang ilang grupo na kumakatawan sa mga magsasaka sa bansa ngayong nagdeklara ng “Food Emergency” sa bigas ang Department of Agriculture.

Dahil baka raw makaapekto sa presyo ng bilihan ng palay ang itinakdang SRP (Suggested Retail Price) sa NFA rice na ibebenta sa mga pamilihan.

Ayon kay Leonardo Montemayor ng Federation of Free Farmers, nag-aalala sila na baka bumaba ang presyo ng bilihan ng palay ngayong anihan. Dahil sa kanilang pagtataya, nasa P36-38 ang retail price ng NFA rice na ibebenta sa merkado.

Lalabas daw na papatak lang sa P19 ang magiging presyo ng palay sa kanilang kalkulasyon. Ani nga ni Mr. Montemayor, ang P19 na presyo kada kilo ng palay ay balik-puhunan lang ang kikitain ng mga magsasaka.

Dapat ay naglalaro sa P22-23 ang bilihan ng palay para may kita naman ang mga ito. Ayon pa kay Mr. Montemayor, hindi man lang nagsagawa ng diyalogo ang Department of Agriculture (DA) sa kanila upang kunin ang kanilang panig sa isyu.

Nagdeklara ng “Food Emergency” ang DA matapos na kapiranggot lang ang ibinaba ng presyo ng bigas sa ating merkado.

Kahit pa nagbawas na ng taripa ang gobyerno at patuloy ang pagbaba ng presyo nito sa pandaigdigang merkado.

Samantala, sinuportahan ng lider ng grupong SINAG (SAMAHANG INDUSTRIYA NG AGRIKULTURA) na si Rosendo So, ang mga panawagan na magtakda rin ng SRP sa presyo ng karneng baboy.

Ayon kay Mr. So, nakapagtataka na mataas ang presyo ng baboy sa Metro Manila samantalang mababa ito ng isang daang piso sa mga pamilihan sa mga probinsiya.

Inaalam na ngayon ng Department Of Agriculture kung ano ang dahilan sa pagtaas ng presyo ng baboy sa mga pamilihan.

Hindi kaya may mga nananamantala na naman sa sitwasyon upang magkaroon ng artipisyal sa pagtaas ng presyo ng baboy sa merkado?

5

Related posts

Leave a Comment