(BERNARD TAGUINOD)
“PINAPATAY sa kagutuman at kahirapan ni (Pangulong Ferdinand “Bongbong”) Marcos Jr., ang mamamayang Pilipino, lalo na ang mga maralitang konsyumer.”
Ganyan inilarawan ng grupong Amihan ang sitwasyon sa ilalim ni Marcos matapos maitala sa survey ng Social Weather Station (SWS) na 63% sa pamilyang Pilipino ang mahirap.
Ito ang pinakamataas na poverty rate sa nakaraang dalawang dekada kaya ayon sa secretary general ng Amihan na si Cathy Estavillo ay dapat nang magkaisa ang sambayanang Pilipino na labanan ang anti-poor policies ng Pangulo.
“Mula nang maupo siya, hindi naramdaman ng mga magsasaka at mamamayan ang tunay na ginhawa, at patuloy na lumalala ang kalagayan dahil patuloy na tumataas ang presyo ng mga pangunahing bilihin, partikular na ang bigas, mga gulay, isda, at iba pa,” ani Estavillo.
Ramdam na ramdam sa kanayunan ang krisis sa pagkain, lalo na ng bigas at kawalan ng regular na pagkukunan ng panggastos dahil sa kawalan ng sariling lupa, kulang ang kita mula sa ani ng mga magsasaka, kaya’t namamasukan pa sila sa iba pang trabaho para lamang magkaroon ng panggastos sa pagkain, pamasahe, at iba pang gastusin ng kanilang pamilya.
Nangyayari aniya ito dahil iniasa ni Marcos ang pagkain sa importasyon at walang ginagawa para tuldukan ang kartel, hoarder, at maging ang mga smuggler na siyang nagsasamantala at nagmamanipula ng presyo ng mga pagkain.
Sinabi naman ni House Deputy Minority Leader and ACT Teachers Party-list Rep. France Castro, hindi nakapagtataka ang resulta ng survey na isinagawa noong December 2024 dahil mistulang walang pakialam si Marcos sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Alam aniya ng Pangulo na patuloy na tumaas ang presyo ng mga bilihin lalo na ang pagkain at maging ang singil sa kuryente, langis, pamasahe sa Light Rait Transit at kontribusyon sa Social Security System (SSS) ay wala itong ginagawang aksyon.
“Sa kabila ng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo, nananatiling walang ginagawa ang administrasyong Marcos, hinahayaan ang mga Pilipino na magdusa,” ani Castro.
“Sumisipa ang presyo ng kuryente, tubig, at langis, tataas ang pamasahe sa LRT, at ang premium ng SSS, pero sinasabi ng Malacañang na pabayaan muna. Anong klaseng gobyerno ang pumapayag na maghirap ang kanyang mamamayan? What kind of government allows its people to suffer like this?,” dagdag pa ni Castro.
