SPECIAL AUDIT HIRIT SA PHILHEALTH

INATASAN ng isang mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso sa Anti-Red Tape Authority (ARTA) at Commission on Audit (COA) na maglunsad ng special audit sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth).

Ilan sa mga nais ni Manila Rep. Rolando Valeriano na alamin sa hiwalay o kaya joint audit ng ARTA at COA ang hindi maayos na trabaho ng PhilHealth pagdating sa remittances sa mga hospital at pamamahala sa kanilang database.

“The 2023 audited financial statements of PhilHealth contain many leads for ARTA and COA to pursue. Those 87 pages of audit observations and recommendations are more than enough for ARTA and COA to conduct deeper audits to determine underlying causes,” ayon sa mambabatas.

Inihalimbawa nito ang natuklasan sa audit report ng COA ang “incomplete and erroneous entry ng may 1,355,274 na beneficiaries ng PhilHealth.

Naniniwala ang mambabatas na posibleng nagkaroon ng duplication o multiple enrollment sa “PhilHealth Members Information System” dahil hindi kapani-paniwala na tumaas ng 15.55% ang benepisaryo lalo na na’t hindi kumpleto ang mga impormasyon ng mga bagong miyembro.

Lalong lumakas ang hinala ng mambabatas dahil kabilang sa natuklasan ng COA nagkaroon ng duplicate at multiple entries ng 266,665 senior citizens sa database ng Philhealth.
Sa bilang na ito, umaabot umano sa P1.333 billion ang subsidy ang nagastos ng Philhealth sa mga ito.

Maliban dito, isinama din umano sa database ng Philhealth ang pangalan ng may 4,062 senior citizens sa kanilang database at billing na isinumite sa Department of Budget and Management (DBM) kaya dapat pumasok na ang ARTA at COA.

“ARTA and COA are among the public accountability institutions with mandates to identify and solve systemic problems (sa Philhealth),” ayon pa sa mambabatas kaya dapat magtulungan na resolbahin ang problema at panagutin ang mga dapat managot. (BERNARD TAGUINOD)

30

Related posts

Leave a Comment