BUTATA ang mga mambabatas sa Kamara na nagsusulong na alisin ang fuel taxes matapos itong tutulan ng economic managers ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., dahil papabor lamang umano ito sa mayayaman.
Para sa Department of Finance (DOF), isa itong “ill-advised and populist measure” na lubos na makaaapekto sa mahihirap.
Nagbabala si Finance Secretary Benjamin E. Diokno sa “popular” subalit nakasasamang plano ng mga politiko na alisin ang value-added tax (VAT) at excise taxes sa langis, binigyang-diin ang negatibong epekto na maibibigay nito sa ekonomiya.
“Proposals to suspend VAT and excise taxes on petroleum products are short-sighted, ill-advised, and have serious consequences on government finances and the economy,” ang pahayag ni Diokno.
Kapag suspendido aniya ang fuel taxes, ang pangunahing makikinabang dito ay ang 10% na mayayamang pamilya na gumagamit ng kalahati ng kabuuan ng langis.
Nitong Lunes, nakipagpulong ang Kongreso sa pangunguna ni Speaker Martin Romualdez sa oil industry players para tugunan ang problema sa langis at magsaliksik ng potensyal na solusyon gaya ng three-month suspension ng excise tax, upang mapagaan ang epekto nito sa bansa.
Gayunman, tinutulan ito ni Diokno sa katuwirang mabibigo lamang ito na magbigay ng long-term relief mula sa inflation.
Para naman kay Socioeconomic Planning Secretary Arsenio Balisacan, ang month-long suspension ng fuel excise tax ay “very dangerous.”
Kasabay nito, nagbabala si Diokno na mawawalan ng bilyong piso sa buwis ang gobyerno kung sususpendihin ang VAT at excise tax sa langis.
Winika ni Diokno na ang revenue losses ay maaaring umabot sa P72.6 billion para sa huling quarter ng taon o 0.3% ng Gross Domestic Product (GDP) ng bansa.
Sa plenary deliberations sa panukalang 2024 budget ng DoF sa Kongreso, may ilang mambabatas ang nagsulong ng suspensiyon ng fuel excise tax habang ang pump prices ay tumaas sa 11th consecutive week.
Inulit naman ni Sultan Kudarat 2nd District Representative Horacio Suansing Jr., budget sponsor ng DoF ang posisyon ni Diokno.
“Hindi ba kinonsider ‘yung magiging domino effect naman nito sa ating mahihirap? Kasi pag bumaba ang presyo ng langis, ang transportation, iba pang utilities, maaapektuhan dito. Magdo-domino effect yan sa mga presyo ng products and agricultural products. Did you not consider that it would be advantageous to our poor sector?”ang tanong ni ACT Teachers Party-list Rep. France Castro.
“The intention of the pronouncement of the Secretary of Finance is that we should not suspend the collection of these excise taxes. What he wants is to provide targeted relief to vulnerable sectors. So magbibigay tayo ng UCT, targeted cash aid or fuel subsidies to the bottom 50% households or members of transport sectors, para ang benepisyo madiretso sa lower 50% ng population.
Para hindi magkabenepisyo ‘yung upper 10% of the population,” ang tugon naman ni Suansing.
Pahayag naman ni Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel, imbes na mga bilyonaryo ang kolektahan ng buwis, mas gusto ni Secretary Diokno na pahirapan ang mga middle class at mahihirap sa pagtanggi nito na suspendihin ang buwis sa langis.
Ayon sa mambabatas, 3,000 ang bilyonaryo sa Pilipinas at kung papatawan ng isa o dalawang porsyento ang bawat 2 bilyon na income ng mga ito ay aabot sa P520 billion ang makokolekta sa mga ito.
(CHRISTIAN DALE/BERNARD TAGUINOD)
