GSIS CHIEF GIGISAHIN SA P8.8-B KWESTYONABLENG INVESTMENT

PINAGIGISA ni ACT Teachers party-list Rep. Antonio Tinio si Government Service Insurance System (GSIS) president at general manager Jose Arnulfo “Wick” Veloso dahil sa umano’y kwestiyonableng investments na maaaring naglagay sa panganib sa retirement security ng mahigit dalawang milyong empleyado ng gobyerno.

Ayon kay Tinio, hindi dapat balewalain ang ulat na nawalan umano ang GSIS ng P8.8 bilyon dahil sa mga maling desisyon ni Veloso sa paglalagak ng puhunan sa iba’t ibang pribadong kumpanya — kabilang na ang mga negosyo sa sugal.

“The House of Representatives must immediately investigate these alarming allegations of financial mismanagement, lack of transparency, and apparent circumvention of proper governance procedures at the GSIS,” ani Tinio.

“We cannot allow the hard-earned contributions of our teachers, nurses, and other government workers to be gambled away through reckless and dubious investments,” dagdag pa niya.

Kasabay nito, nanawagan din si Tinio kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na tuluyan nang alisin sa puwesto si Veloso, na sinuspinde na ng Office of the Ombudsman, upang maprotektahan ang pensyon ng tinatayang 2.6 milyong empleyado ng gobyerno.

Sinabi ng mambabatas na maging ang mga kasalukuyan at dating board members ng GSIS, kabilang ang mga namumuno sa legal oversight, risk oversight, at audit committees, ay umano’y nanawagan na rin ng pagbibitiw ni Veloso — indikasyon, aniya, ng malalim na problema sa ahensya.

“Kapag ang sariling board members na mismo ng GSIS, kasama na ang mga namumuno sa legal, risk, at audit oversight, ay humihingi na ng resignation ng kanilang presidente, alam nating malubha ang problema,” ayon kay Tinio.

Kabilang umano sa mga lugi ang P3.67 bilyong puhunan sa Monde Nissin, Nickel Asia, Bloomberry Resorts, at DigiPlus Interactive, na inilagak umano nang walang dumaan sa mandatory board review, kahit lumampas ito sa ₱1.5-bilyong threshold.

Nabatid din na nag-invest umano ang GSIS sa Clark Global City project sa pamamagitan ng Udenna Land, na umano’y nagligtas sa negosyo ng negosyanteng Dennis Uy.

“Kung ang negosyo mo ay kumita ng ₱100 bilyon pero nawala mo ang ₱8.8 bilyon dahil sa maling desisyon at kawalan ng transparency, hindi ‘yan tagumpay — ‘yan ay kapabayaan at posibleng katiwalian,” dagdag ni Tinio.

Dahil dito, nanawagan ang mambabatas ng malalim na imbestigasyon upang matiyak na mapoprotektahan ang pondo ng mga government workers at matiyak na makatatanggap sila ng maayos na pensyon sa kanilang pagreretiro.

Samantala, sinabi ng Malacañang na muling sinusuri ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga alegasyon laban kay Veloso bago magdesisyon kung anong aksyon ang kanyang gagawin.

Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, inaasahan ng Pangulo ang integridad at pananagutan mula sa lahat ng pinuno ng mga ahensya ng gobyerno.

“Ang alam po natin, ang Pangulo po, ang gusto po niya ay mga taong tumutugon sa kanilang mga obligasyon. Dapat ang pamumuno at tamang leadership ang nais ng Pangulo sa bawat ahensiya,” pahayag ni Castro.

Binigyang-diin ni Castro na seryoso ang administrasyon sa mga reklamo laban kay Veloso, kabilang ang mga akusasyon ng gross mismanagement at non-compliant investments na nagresulta umano sa pagkawala ng ₱8.8 bilyon.

Kinumpirma rin ni Castro na alam na ng Pangulo ang panawagan para sa pagbibitiw ni Veloso, at nangakong magbibigay ang Malacañang ng update sa oras na makumpleto ang pagrepaso sa usapin.

(BERNARD TAGUINOD/CHRISTIAN DALE)

14

Related posts

Leave a Comment