GUN-4-HIRE BUMIRA KAY SALAMIDA

(JESSE KABEL/JOEL O. AMONGO)

HINDI kumbinsido si Philippine National Police chief Guillermo Eleazar sa unang resulta ng imbestigasyon kaugnay sa brutal na pamamaslang sa isang tabloid executive sa Quezon City nito lamang nakaraang Martes.

Lumilitaw rin na mga upahan o hired killers ang gumawa ng krimen.

Ayon mismo kay Eleazar, walang robbery hold-up na naganap sa insidenteng ikinasawi ng peryodistang si Gwen Salamida at malubhang pagkasugat ng kasama nitong si Oliver Perona sa isang beauty salon na pag-aari ng biktima sa Barangay Apolonio Samson sa Quezon City.

Aniya, nagsagawa na sila ng imbentaryo at lumalabas na walang anomang nawawala sa crime scene.

“We have officially ruled out ROBBERY as a motive. All her belongings, money and jewelry were intact when the crime was committed,” saad ng PNP chief.

Naganap ang pamamaslang sa mga panahong walang kita ang salon ng biktima dahil sa hindi pa naman ito makapag-operate bunsod ng umiiral na enhanced community quarantine sa Metro Manila.

Sa isang Facebook post, sinabi naman ni Undersecretary Joel Egco ng Presidential Task Force on Media Security na hindi nila maaaring pangunahan ang imbestigasyon dahil wala umanong

kinalaman sa pagiging mamamahayag ang pamamaslang. Gayunpaman, mananatili aniya siyang nakaantabay sa kaso.

Dagdag pa ni Egco, maging siya ay naniniwalang isang gun-for-hire ang nasa likod ng pamamaslang kay Salamida na nag-iwan ng dalawang maliliit pang anak.

Bunsod nito, agad namang ipinag-utos ni Eleazar ang mas malalim na imbestigasyong sisilip sa lahat ng posibleng anggulo.

Samantala, hindi na aasa pa ang Quezon City government sa Philippine National Police (PNP) sa pagtukoy at pagtunton sa salarin sa likod ng pamamaslang kay Salamida, kasabay ng pangakong sila mismo ay gagawa ng paraan upang mahanap at mapanagot sa batas sinoman ang responsable sa nasabing insidente.

Sa isang pahayag, kinondena rin ni QC Mayor Joy Belmonte ang brutal na pagpatay kay Salamida na dating editor ng tabloid.

“On behalf of the Quezon City Government and the QCPD, we would like to assure the victims’ respective families that we will be applying the full power of the law to hunt down the perpetrator of this heinous crime, so that justice will be swift and immediate,” ani Belmonte.

Nagpaabot din ng pakikidalamhati ang alkalde sa mga naulila ng biktimang walang awang pinatay sa loob ng kanyang salon bandang alas 3:00 ng hapon nito lamang Martes.

Aniya, sisiguruhin nilang mabibigyan ng angkop na hustisya ang pagkamatay ng peryodistang bahagi na ngayon ng pahayagang SAKSI Ngayon kung saan siya nagtatrabaho bilang advertising manager bago ang pamamaslang.

“Ms. Salamida was a beloved member of the media, an honest business owner, and an upstanding QCitizen. We fervently condemn her brutal murder,” dagdag pa ng alkalde ng lungsod kung saan naganap ang malagim na insidente.

Kaugnay nito, ligtas na sa balag ng alanganin si Perona na binaril kasama ni Salamida.

“Ginagawa rin po ng ating mga doktor ang kanilang makakaya upang mapabuti ang kalagayan ni Mr. Perona,” dagdag pa ng alkalde.

Nananatili namang tikom ang Quezon City Police District (QCPD) at Criminal Investigation and Detection Unit sa resulta ng kanilang paunang imbestigasyon bagamat sinabi nitong hindi sila tumitigil sa pagtukoy at pagdakip sa suspek na hanggang ngayon ay hindi pa rin nakikilala.

252

Related posts

Leave a Comment