BATANGAS – Arestado ang isang hinihinalang gun runner makaraang isagawa ang buy-bust operation ng mga tauhan ng PNP-CIDG sa Sto. Tomas City sa lalawigan.
Kinilala ni CIDG Director Police Brig. Gen. Christopher Abrahano ang suspek na si alyas “Zaldy”, naaresto sa isang gasolinahan sa Maharlika Highway, Barangay San Bartolome, Sto. Tomas, Batangas.
Ayon sa ulat, isang CIDG poseur buyer ang nakipagtransaksyon sa suspek at nang magpositibo ay isinagawa ang operasyon na nagresulta ng pagkaaresto sa suspek na nakumpiskahan ng tatlong hindi lisensyadong baril na kinabibilangan ng dalawang 5.56 caliber at isang .22 kalibreng baril, mga magazine at mga bala nito.
Lumitaw sa isinagawang imbestigasyon, ang suspek ay nagbebenta umano ng ilegal na mga armas sa Batangas at karatig na mga lalawigan.
Nahaharap sa reklamong paglabag sa Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act ang suspek.
(TOTO NABAJA)
174
