“WE cannot always prepare the future for our youth, but we can prepare them for the future.”
Ito ang naibulalas ni Philippine National Police – Anti-Kidnapping Group Director P/Brig. Gen. Jonnel C. Estomo nang ipaaresto ang isang dating guro ng Notre Dame School na inakusahan ng pangagahasa ng estudyante.
Kinilala ni P/BGen. Estomo ang arestadong guro na si Ramil Renegado Gara na nasakote sa T.S. Cruz Subd., Brgy. Baesa, Quezon City bandang alas-2:40 noong Linggo ng hapon.
Ayon kay PNP-AKG spokesperson, P/Lt. Col. Rannie Lumactod, taong 2017 nang gamitin ni Gara ang kanyang impluwensiya at takutin ang isa niyang 18-anyos na Grade 12 student sa Notre dame School of Greater Manila, Caloocan City.
Binantaan ng guro ang kanyang mag-aaral na ibabagsak sa kanyang klase kung hindi siya pagbibigyan sa kanyang kagustuhan na makaniig ang dalagita.
Ngunit matapos umanong gawan ng kahalayan ang estudyante ay nagsumbong ito sa kanyang mga magulang na naghain naman ng pormal na reklamo sa korte, pahayag ni Col. Lumactod.
Matapos ang apat na taong pagtatago ay natunton ang suspek ng mga tauhan ng PNP-AKG, sa pangunguna ni P/Lt. Maleo David V. Manzano, matapos ang inilunsad na intelligence operations.
Armado ng warrant of arrest na inisyu ni Hon. Rowena Violago Alejandria, presiding judge ng RTC Branch 121, National Capital Judicial Region, Caloocan City, na walang inirekomendang piyansa, inilunsad ang law enforcement operation laban sa suspek na ngayon ay nakakulong sa AKG lock-up jail.
Samantala, sa utos ni PNP Chief P/General Debold Sinas na ineyutralisa ang nakalalayang mga kriminal, pinangunahan ni Philippine National Police – Anti-Kidnapping Group director, P/Brig. General Jonnel C. Estomo ang pag-aresto sa itinuturing na most wanted criminals sa bansa.
Pinakahuli sa talaang isinumite ni P/BGen. Estomo kay Gen. Sinas ang murder suspect at itinuturing na no. 6 most wanted person ng Silay City sa Negros Occidental, na kinilalang si Elmer Condes Magbanua na may kasong murder.
Si Magbanua ay nadakip ng mga operatiba, sa pangunguna ni P/Captain Adrian James A. Albaytar, sa ilalim ng AKG Special Operation Unit na pinamumunuan ni P/Lt. Col. Wilfredo Sy, kasama ang Silay PNP at 1st NOCPMFC sa Sitio Sibato, Brgy. Guimbalaon, Silay City, Negros Occidental nitong linggo.
Ang suspek ang pakay ng warrant of arrest na inilabas ni Hon. Ana Celeste P. Bernard, acting presiding judge ng RTC Branch 68, 6th Judicial Region, Silay City, Negros Occidental, walang inirekomendang piyansa, para sa kasong pagpatay at arson.
“This was a point where the lion hearted AKG called arms with the local police to intensify the operation which eventually led to the custody of the accused,” ani Col. Rannie Lumactod. (JESSE KABEL)
