CAVITE – Pinaghahanap ng pulisya ang isang lalaking sakay ng isang itim na Mitsubishi Mirage na suspek sa pamamaril sa isang guwardiya sa guardhouse ng isang eskuwelahan sa bayan ng Rosario sa lalawigan noong Lunes ng gabi.
Nilalapatan ng lunas sa isang ospital si alyas “Rener” habang kinilala ang suspek na si alyas “Romeo”.
Ayon sa ulat, bandang alas-10:40 ng gabi nang mangyari ang insidente sa isang guardhouse sa loob ng Rosario Institute sa Brgy. Sapa 1, Rosario, Cavite.
Ayon sa salaysay ng isang saksi, magpapahinga na sana siya nang dumating ang suspek at sinabihan na buksan nito ang gate at kung hindi ay madadamay ito.
Kasunod nito, pumasok ang suspek at dumiretso sa isa pang guardhouse kung saan nandoon ang biktima hanggang sa nakarinig ng sunod-sunod na putok.
Matapos ang insidente ay tumakas ang suspek sakay ng isang itim na Mitsubishi Mirage.
Nabatid sa imbestigasyon, nakainom ang suspek nang dumating sa lugar at may nauna na umanong alitan ang dalawa bago nangyari ang pamamaril.
(SIGFRED ADSUARA)
65
