Habang may load limit sa San Juanico Bridge SAMAR PORT PAGANAHIN – DOTr

HINILING ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon sa mga opisyal ng Eastern Visayas na paganahin ang Amandayehan port sa Basey, Samar sa loob ng dalawang linggo para tugunan ang mga hadlang sa logistics sa gitna ng San Juanico Bridge load limit.

Noong Linggo ay binisita ni Dizon ang Tacloban at Amandayehan ports, kung saan sinabi nito na ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tiyakin ang ‘uninterrupted movement’ ng mga suplay sa pagitan ng Leyte at Samar provinces sa kabila ng limited access sa mahalagang tulay.

“This is a major emergency, especially with regards to the movement of goods, food, fuel, and construction materials. So we have to find a way to move goods from Samar to Leyte and Leyte to Samar,” ang sinabi ni Dizon matapos ang inter-agency meeting.

At upang masiguro na magpapatuloy ang pagsasaayos sa Amandayehan Port matapos na pondohan ng DPWH ang inisyal na trabaho, hiniling ni Dizon sa provincial government at lokal na pamahalaan ng Basey, Samar, na i-turn over ang pamamahala ng daungan sa PPA upang sa gayon ay makapaglaan ng pondo para sa rehabilitasyon at pagsasaayos nito.

Kasama naman sa miting sa Tacloban Airport ang mga opisyal mula sa Philippine Ports Authority (PPA), Maritime Industry Authority, Philippine Coast Guard, Department of Public Works and Highways (DPWH), Land Transportation Franchising and Regulatory Board, Office of Civil Defense, Samar provincial government, local government units of Santa Rita in Samar and Tacloban City, Department of Economy, Planning, and Development, at Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI), Tacloban – Leyte chapter.

Sinabi pa ni Dizon na ang nagpapatuloy na trabaho sa Amandayehan port ay kailangang madaliin upang mapigilan ang matinding pagkaantala sa paghahatid ng goods at magtatag ng alternatibo at mas maiksing ruta papuntang Tacloban mula Samar Island.

Isang kinatawan naman mula sa kontratistang Aqualine Construction ang nangakong tutupdin ang itinakdang deadline ni Dizon.

Sa kabilang dako, sa isinagawang berthing trial at test float sa Amandayehan Port ng RoRo vessel LCT Aldain Dowey, pag-aari ng Sta. Clara Shipping Corp. noong May 22, nakita ng mga awtoridad ang pangangailangan na pagtibayin ang rampa para mapadali at maging magaan ang ang loading at unloading ng wheeled vehicles lalo na sa panahon ng high tide.

Ang travel time sa pagitan ng Tacloban City at Amandayehan port ay wala pang 30 minuto.

(CHRISTIAN DALE)

84

Related posts

Leave a Comment