INARESTO ng mga awtoridad ang isang suspendidong traffic enforcer matapos maaktuhang gumaganap pa rin bilang duty enforcer habang nakasuot ng uniporme, sa Malabon City kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni Malabon Police chief, Col. Albert Barot ang arestadong suspek na si Macario Algusar Jr., 46, suspended PSTMO personnel at residente ng Kaunlaran St., Brgy. Muzon.
Ayon sa imbestigasyon nina P/SSgt. Diego Ngippol at P/SSgt. Mardelio Osting, nakarating sa kaalaman nina Edwin Vizmanos at Lolito Gimoro, kapwa nasa hustong gulang, at mga miyembro ng Public Safety and Traffic Management Office (PSTMO) ng Malabon City, na gumaganap pa ring bilang traffic enforcer habang nakasuot ng uniporme ng PSTMO si Algusar at nanghuhuli ng ilang truck sa kahabaan ng P. Aquino Letre, Brgy. Tonsuya.
Humingi ng tulong ang mga complainant sa mga tauhan ng Malabon Police Station Intelligence Section, sa ilalim ng pamumuno ni P/Lt. Arquillo Zoilo.
Agad namang nagresponde sa naturang lugar sina P/SSgt. Jonathan Custodio at P/Cpl. John Mark Donguines na nagresulta sa pagkakaaresto kay Algusar at nakumpiska ang isang booklet ng Ordinance Violation Receipt (OVR).
Ang suspek ay nahaharap sa kasong usurpation of authority of official functions. (FRANCIS SORIANO)
