Isang matinding isyu na ibinato laban sa pamahalaan ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong nakaraang taon ng 2018 ay ang pabagu-bagong halaga ng piso kumpara sa ibang pera sa mundo. Ayon mismo sa Department of Finance, ang piso natin ang pang-apat na pinakamahinang pera sa 12 bansa sa Asya na may malakas na kalakalan.
Sinabi ni Finance Undersecretary Gil Beltran, ang chief economist ng Finance Department, na nagbago ang trend na pagbaba ng halaga ng piso nang biglang tumaas ng halos isang porsyento ang halaga ng piso nitong nakaraang buwan ng Enero. Kasama ng piso na tumaas ang halaga ng Chinese renminbi/yuan, Indonesian rupiah, Japanese yen, Malaysian ringgit, Singapore dollar at ang Thai baht.
Sinasabing ang dahilan ng pagganda ng halaga ng piso at ng iba pang pera sa Asya ay dahil sa patuloy na paglakas ng kalakalan ng mga produkto at serbisyo sa Asya na nagresulta sa mas malalaking kita ng mga kumpanya rito na naging dahilan upang magkaroon sila ng mas maraming dolyar na naging dahilan naman para maging mas malakas ang pera nila gaya ng piso natin. Mas maraming dolyar na hawak ang isang bansa ay mas kaya nitong diktahan ang halaga ng pera nito.
Mahalaga sa maraming Pinoy ang halaga ng piso. Sa walong milyong OFWs natin, ang pagbaba ng piso ay nagdudulot ng mas maraming pera para sa kanilang pamilya sa Pilipinas. Pero ang mas mababang piso naman ay nangangahulugan na mas mahal ang halaga ng inaaangkat natin na langis at iba pang mga raw materials na ginagamit ng mga pabrika sa ating bansa gaya ng lata, bote, kemikal at iba pang mga produktong hindi mabili sa ating bansa. Ang ibig sabihin nito ay mas mataas na presyo ng gasolina gaya ng nangyari nu’ng 2018 na naging sanhi para tumaas ang presyo ng mga bilihin na naging isyu laban sa Duterte Administration.
Ngunit makikita natin sa biglaang taas ng halaga ng piso nitong Enero na ang halaga ng pera ay nakasalalay madalas hindi sa mga patakaran at mga programa ng pamahalaan ng bansa kundi sa mga galaw ng iba’t ibang klase ng kalakalan sa mundo.
Ayon sa mga ekonomista, isang magandang formula para laging maganda ang halaga ng piso ay pataasin lalo ang mga depositong pera ng mga Fillipino sa mga bangko. Mas malaking pera ang hawak kasi ng mga bangko ay mas marami silang pwedeng ipautang o ipampalit sa pera ng ibang bansa. (Usapang Kabuhayan / BOBBY CAPCO)
266