QUEZON – Naging sunod-sunod ang nangyayaring aksidente, mga nasiraang sasakyang, at truck na hirap umakyat o minsan ay umaatras sa paahon sa Gumaca Bypass Road sa bayan ng Gumaca sa lalawigan.
Dahil dito, tinagurian ng ilang motorista ang naturang ruta bilang “Gumaca Die Pass Road.”
Ayon sa ilang driver at eksperto, posibleng may kakulangan sa disenyo ng kalsada partikular sa sobrang tarik na ahon at hindi angkop na inclination ng ilang kurbada na maaaring nagiging dahilan ng mga aksidente.
Ginawa ang Bypass Road project sa tinatayang halagang P800 milyong pondo upang maibsan ang masikip na trapiko sa sentro ng bayan.
Ito ay may habang humigit-kumulang 12 kilometro mula Villa Arcaya hanggang Panikihan para sa mga biyaheng Manila-Bicol.
Noong Enero, ginawang pangunahing ruta ang bypass road para sa malalaking sasakyan patungong Bicol at maging sa mga biyaheng mula Visayas at Mindanao, kasabay ng pansamantalang pagsasara ng bahagi ng Maharlika Highway sa Gumaca para sa planong isang buwang road reblocking.
Sa puntong ito umano nagsimulang maranasan ng mga truck driver at bus operator ang matinding hirap sa pagdaan sa naturang kalsada.
Batay sa tala ng pulisya, halos araw-araw ay may dalawa hanggang tatlong aksidenteng naitatala, mula minor hanggang major, bukod pa sa mga sasakyang hirap umakyat kapag mabigat ang karga.
Noong 2025, umabot umano sa average na 20 aksidente kada buwan ang naitala sa bypass road, hindi pa kabilang ang mga minor incident na hindi naiuulat.
(NILOU DEL CARMEN)
5
