Bumagsak na Sta. Maria Bridge: Netizens, nanawagan ng resulta ng Imbestigasyon

Mahigit apat na buwan matapos ang pagbagsak ng Sta. Maria Bridge sa Cabagan, Isabela, nananatiling walang inilalabas na opisyal na resulta ng imbestigasyon mula sa Department of Public Works and Highways o sa Senado.

Dahil dito, nanawagan ang publiko at mga netizens ng malinaw na pananagutan mula sa mga sangkot sa proyekto.

Noong Pebrero 27, 2025, bumigay ang bahagi ng Sta. Maria Bridge habang tinatawid ng isang overloaded na dump truck na may bigat na humigit sa 100 tonelada, higit pa sa pinapayagang 44 tonelada. Anim ang nasugatan sa insidente.

Matapos ang aksidente, agad na iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang masusing imbestigasyon at nagbabala na “dapat may managot.” Tinukoy ng Pangulo ang maling disenyo at overloading bilang mga pangunahing salik sa pagbagsak ng tulay.

Sa mga ulat at sumbong na kumakalat online, ilang dati at kasalukuyang opisyal ng DPWH ang binabanggit ng publiko:

• Eugenio Pipo, dating Assistant Secretary for Operations, umano’y nagpatuloy sa proyekto kahit may problema sa disenyo at hindi umaksyon kahit hindi naipapadaang maayos ang natapos na tulay.
•  Usec. Ador Canlas, na nag-apruba umano sa retrofitting design na hindi umano masusing sinuri.
•  Usec. Cabral, na naglaan ng pondo para sa retrofitting matapos matukoy ang mga depekto sa tulay.

Lumalabas din ang alegasyon na ginamit ang bahagi ng pondo ng proyekto sa ibang bahagi ng tulay upang pagkakitaan, sa halip na ayusin ang mga depektong bahagi ng superstructure.

Sa kabila ng pangako ng pagbusisi sa nasabing insidebte ay wala pang inilalabas na resulta ang DPWH hanggang ngayon. Dahil dito, aktibo ang panawagan ng mga netizen at mamamayan sa social media na ilabas ang mga dokumento ng imbestigasyon, lalo na ang mga hawak ng Senate Blue Ribbon Committee.

“Ang tulay na ’yan ay pinondohan ng buwis ng mamamayan. Karapatan naming malaman kung sino ang responsable.”

May mga panawagan na gawing pampubliko ang lahat ng ulat ukol sa proyekto at isama ang historical records ng disenyo, konstruksiyon, at retrofitting.

Ayon sa DPWH, patuloy pa ang kanilang internal investigation sa ilalim ng pamumuno nina Usec. Anne Sharlyne Lapuz at Usec. Eric Ayapana. Ngunit wala pa ring ulat o press release na inilalabas ukol sa resulta.

Wala ring inilalabas ang Senate Blue Ribbon Committee ukol sa mga hakbang kung may isasampang kaso laban sa mga sangkot sa proyekto.

Patuloy ang panawagan ng taumbayan na magkaroon ng pananagutan sa insidente. Sa kawalan ng ulat at pagsisiwalat, lumalakas ang hinala ng publiko na may itinatago ang ilang opisyal.

 Umaasa ang publiko na tutuparin ng administrasyon ang pangakong “heads will roll” at hindi hahayaang malimutan ang insidente.

37

Related posts

Leave a Comment