HALOS P1-B BUDGET NG OVP NAMUMURONG TABLAHIN SA KAMARA

DAHIL umano sa pag-aastang “bratinela” ni Vice President Sara Duterte, mistulang hindi nakumbinsi ang Mababang Kapulungan ng Kongreso na aprubahan ang halos P200 milyong dagdag na pondo na hinihingi ng Office of the Vice President (OVP) para sa susunod na taon.

Ayon kay Lanao del Norte Rep. Zia Alonto Adiong, malaki ang posibilidad na mapanatili sa P733 milyon ang 2025 budget ng OVP matapos tatlong beses balewalain ni Duterte ang imbitasyon ng Kamara na dumalo at ipaliwanag ang kanyang hinihinging karagdagang pondo.

“May nag-propose na i-maintain na lang ang fund kasi nga walang dumating at hindi naipaliwanag nang maayos ang hinihinging dagdag na pondo ng OVP,” pahayag ni Adiong. Kasama umano sa mga sumusuporta rito si Mamamayang Liberal (ML) party-list Rep. Leila de Lima.

Binanggit ni Adiong na karapatan ng publiko na malaman kung paano ginagastos ng mga opisyal ng gobyerno ang buwis ng mamamayan. “Kailangang ipaliwanag ni VP Sara kung saan gagamitin ang pondo lalo na ngayong mahigpit ang pagbabantay ng taumbayan,” aniya.

Batay sa budget proposal, humihingi ang OVP ng P902.895 milyon para sa 2026—mas mataas kumpara sa kasalukuyang P733 milyon—ngunit hindi sumipot si Duterte sa plenary deliberations na nagtapos noong Biyernes ng gabi.

Tatlong beses nang inimbitahan si Duterte ngunit tuloy-tuloy itong umiwas, matapos hindi pagbigyan ng Kamara ang mga kondisyon nito — kabilang ang pagpapaharap kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at ang pag-alis ng lookout bulletin sa pitong opisyal ng OVP, kabilang si Usec. Zuleika Lopez.

Sa floor speech ni De Lima, inihayag nito ang pagkadismaya: “Enough is enough! Enough of her brattiness! I rise today to manifest my extreme displeasure about the behavior of our Vice President, and in due time, I will move for the decrease in the budget of the Office of the Vice President.”

Samantala, sinabi naman ni Caloocan Rep. Edgar Erice na hindi dapat magparaya ang Kamara sa kapritso ni Duterte.

“The best way forward is simply to ignore the letter and proceed with the approval of the national budget. To ignore the letter and treat it as unimportant is in fact the most professional and dignified way of addressing this matter,” ani Erice.

(BERNARD TAGUINOD)

11

Related posts

Leave a Comment