(NELSON S. BADILLA)
KUNG magmamatigas ang Department of Health (DOH) na patuloy na ireseta sa mga tinatamaan ng COVID-19 ang gamot na Remdesivir, nararapat lang na ibaba nila ang presyo nito upang hindi madagdagan ang paghihirap ng mga pasyente.
Binigyang diin ito ni Atty. Lorenzo “Larry” Gadon kasabay ng pagtiyak na kanilang kakasuhan kasama si Anakkalusugan Rep. Michael “Mike” Defensor ang kumpanyang gumagawa ng Remdesivir dahil sa overpricing nito.
Ang Remdesivir ay sinasabing gamot laban sa coronavirus disease-2019 (COVID-19), ngunit idiniin ng World Health Organization (WHO) na “ineffective” ito laban sa nakamamatay na sakit.
Ipinaliwanag ng WHO na: “A conditional recommendation is issued when the evidence around the benefits and risks of an intervention are less certain. In this case, there is a conditional recommendation against the use of Remdesivir. This means that there isn’t enough evidence to support its use”.
Ayon kay Gadon, pananamantala ang ginawa ng Remdesivir na itaas ang presyo nito nang sobra.
“Right now, COVID-19 patients, including those dying from the disease, are being taken advantage of by certain hospitals and doctors who prescribe overpriced Remdesivir,” bigwas ng sikat na abogado.
Nakarating sa tanggapan nina Gadon at Defensor na ang presyo ng Remdesivir ay pumapalo sa P3,000 hanggang P27,000.
Sa kasalukuyan, pinalalakas nang todo nina Gadon at Defensor ang mga ebidensiya bago pormal na ihabla ng kasong kriminal ang Remdesivir sa korte, pahayag ni Gadon.
Katuwang ng dalawa si Deputy Speaker Rodante Marcoleta ng 1 SAGIP party-list na tutol din sa overpriced Remdesivir.
Habang inaasikaso nina Gadon at Defensor ang kasong kriminal, hinamon ng una si Health Secretary Francisco Duque III na kung hindi nito pahihintuin ang pagbebenta ng Remdesivir sa publiko ay pabawasan ng kalihim ang presyo ng nasabing gamot.
Kumbinsido sina Gadon at Defensor na kontra-mamamayan ang napakataas na presyo ng Remdesivir.
Sa kasalukuyan, napakaraming Filipino ang labis-labis na naghihikahos dulot ng ‘limitadong’ galaw ng ekonomiya dahil sa mga lockdown na ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte upang makaiwas ang mamamayan sa COVID-19.
Idiniin ni Gadon na kung hindi kumbinsido si Duque sa nadiskubre ng WHO na hindi epektibo ang Remdesivir na pangkontra sa COVID-19 ay magpalabas ang kalihim ng DOH ng “makataong” desisyon hinggil sa Remdesivir at ito ang pagpapababa sa presyo nito.
Mungkahi ni Gadon na hingin ni Duque ang basbas ni Duterte upang pababain ang presyo ng naturang gamot.
205
