Hamon sa pangkat ni Velasco WAGE HIKE, ‘WAG CHA-CHA ANG ATUPAGIN

NANAWAGAN ang progresibong organisasyon ng mga manggagawa sa pamunuan ng Kamara de Representantes na umento sa suweldo ang atupagin at huwag nang ituloy ang “Charter change”.

Idiniin ni Renato Magtubo, tagapangulo ng Partido Manggagawa (PM) sa pamunuan ng Kamara, sa pangunguna ng pangkat ni Speaker Lord Allan Jay Velasco na umentong P100 sa sahod ng mga manggagawa sa lahat ng rehiyon ang bigyan ng prayoridad kaysa sa Cha-Cha.

Ani Magtubo, ang P537 kada araw na siyang pinakamataas na sahod ng mga manggagawang naghahanapbuhay sa Metro Manila ay P434 na lang ang totoong halaga sa kasalukuyan.

Bago nagkaroon ng COVID-19, P1,300 kada araw ang kailangang sahod ng lahat ng manggagawa sa bansa upang makasabay sa presyo ng mga bilihin.

Ani Magtubo, batay sa pag-aaral ng PM, napakaliit ng badyet ng mga manggagawa para tiyakin ang nutrisyong kailangan ng kanilang katawan, maibsan ang gutom at umangat ang buhay.

Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), ang presyo ng mga karne at gulay ay tumaas ng 50 porsiyento hanggang 275% ngayong Enero kumpara noong Enero 2020.

“Poor Filipinos are reeling from the double whammy of job losses and price increases. No wonder the number of Filipino families going hungry ballooned to 7.6 million according to the September 2020 Social Weather Station survey. This is almost double the 4.2 million hungry families in May which was at the height of the lockdown. This is due to the combo of forced leaves, mass layoffs and price hikes. Thus, cash must be put in the pockets of the working poor, the jobless and the hungry,” paliwanag ni Magtubo.

Kamakalawa, binatikos na rin ng NAGKAISA Labor Coalition ang hakbang na Cha-Cha kung saan idiniin nitong hindi totong susulong at aangat ang ekonomiya ng bansa kapag tinanggal ang 40 porsiyentong limitasyong itinakda ng Saligang Batas na siyang maksimum na parte ng pag-aari ng mga dayuhang kapitalista sa lupa at korporasyon kapag direktang nagnegosyo sila sa bansa. (NELSON S. BADILLA)

120

Related posts

Leave a Comment