Hamon sa TF Anti-Corruption KORAP SA PHILHEALTH, IPAKULONG

HINILING ng isang senador sa Department of Justice (DOJ), mangunguna sa Anti-Corruption Task Force na totohanin ang isasagawang imbestigasyon at kung may sapat na ebidensiya, ikulong ang sinomang sangkot sa malawakang katiwalian sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Sa pahayag, sinabi ni Senador Christopher Lawrence “Bong” Go  na dapat totohanin ng Task Force ang kanilang trabaho  sa pamamagitan ng pagpapakulong sa mga tiwaling opisyal ng ahensiya.

“Tulungan n’yo po ang Pilipino. Totohanin n’yo po. Ikulong n’yo po, lalung-lalo na ang mga magnanakaw na nagsasamantala sa pera ng tao. Alam n’yo napakahalaga ng bawat piso sa Pilipino
ngayong panahong ito,” apela ni Go.

Ang DoJ ang itinalaga ni Presidente Duterte upang imbestigahan ang mga alegasyon ng katiwalian sa PhilHealth at iba pang ahensiya na naging sistema na ang mga anomalya.

Tiniyak ni Go sa publiko na lalong pinalalakas ng Pangulo ang giyera nito laban sa corruption lalo’t dalawang taon na lang ang nalalabi sa kanyang administrasyon.

“Sabi ng Pangulo, ‘di siya titigil na lalabanan ang korapsyon. The next two years, sabi n’ya magwawala po siya. Ibig sabihin ‘magwawala’, gagawin niya ang lahat, sasagasaan n’ya ang dapat
sagasaan… gagawin niya ang lahat para sa Pilipino,” ayon kay Go.

Maging siya, ani Go, ay pinaalalahanan ng Presidente na magsalita laban sa katiwalian kahit pa madamay ang mga kaalyado nila sa politika at kapwa opisyal sa gobyerno.

Kaya hinamon ni Go ang DoJ na ilantad ang mga responsable sa mga maanomalyang gawain at hugutin ang mga nakabaon nang sistema ng katiwalian sa pamahalaan.

“I am challenging the Executive Department, especially Secretary (Menardo) Guevarra, Secretary (Salvador) Medialdea. Pwede rin po nilang i-tap ang PACC (Presidential Anti-Corruption
Commission) rito kasama rin ‘yan sa order ng Pangulo para tumulong,” ani Go.

Para sa mambabatas, hindi katanggap-tanggap na tutuntong ang taong 2021 na wala nang pondo para sa Universal Health Care (UHC) Law. (ESTONG REYES)

175

Related posts

Leave a Comment