HANDA KA NA BANG MAG-INVEST SA MAHARLIKA?

PIRMA na lang ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kailangan para maging batas ang Maharlika Investment Fund bill.

Ito ay matapos tanggapin ng House of Representatives nitong Miyerkoles ang Senate Bill 2020 o ng bersyon ng Senado sa panukalang magtatag ng sovereign wealth fund.

Ayon sa ilang grupo, sa halip na kaunlaran, ang pagpasa ng MIF ay posibleng maging daan ng pag-abuso sa pera ng bayan.

Pahayag ng Akbayan Party-list, ipinasa ng mga mambabatas ang hakbang na posibleng magdulot ng pinakamalaking investment scam sa bansa.

Sa gitna mga tanong, pagdududa, diskusyon at kontrobersya, nagpahayag ng pampakalma si Marcos Jr. Tiniyak niya sa publiko na ang salapi mula state pension funds na Social Security System (SSS) at Government Service Insurance System (GSIS) ay hindi gagamitin para pondohan ang Maharlika fund.

Ngunit, may pahaging ang pahayag niya na bahalang magdesisyon ang pension funds kung ang MIF ay mabuting investment.

Hindi tsansa ang paglagak ng pera ng mga miyembro at pensionado sa MIF. Ito ay pagsugal.

Inamyendahan ang bill para pigilan ang SSS, GSIS, Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), Home Development Mutual Fund (Pag-IBIG), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at Philippine Veterans Affairs Office (PVAO) na mamuhunan dito. Ngunit, ang Maharlika Investment Corp. ay maaaring mag-invest sa equities, joint ventures, real estate, infrastructure projects, at maaaring mag-isyu ng bonds, securities, at iba pa.

Paano kung bumili ang SSS at GSIS ng bonds? Maaari pa bang baguhin ang panukala at isingit ang SSS at GSIS sa huling sandali?

Nalilito ang publiko sa takbo ng MIF. Lumalalim ang pangamba. Nararamdaman na ang pagkatalo sa inilalaban, gusto nang sumuko.

At ngayon, pumalo sa bagong record high na P13.9 trilyon ang utang ng Pilipinas noong Abril matapos ang dagdag na P54 billion sa nasabi ring buwan. Posible pang tumaas ito sa mga darating na buwan. Sa loob ng 10 buwan, ang inutang ng administrasyong Marcos ay P1.11 trillion.

Sa laki at posible pang pagtaas ng utang ng bansa ay kailangan ba ang MIF? Pondo ng taumbayan ang nakataya rito. Ang pondo na nakalagak sa mga ahensya ay dapat gamitin mismo ng mga ito sa sariling programa at proyekto.

Kapakanan ng publiko ang dapat isaalang-alang ng mga mambabatas, hindi ang turo at himok ng nasa itaas.

298

Related posts

Leave a Comment