Handa na si Eumir sa unang laban bilang pro

MASUSUBOK na kung hanggang saan aabot si Filipino Olympic qualifier Eumir Marcial sa kanyang ­napiling propesyon at pangarap na maging pandaigdigang kampeon sa middleweight.

Higit sa lahat, susubukan din ng 25-anyos na Zamboangueno kung may kapasidad siyang handugan ang Pilipinas ng kauna-unahang gintong medalya galing sa Olimpiyada.

Haharapin ni Marcial, kasalukuyang nasa Amerika na tinatawag na lupain ng tamis at pulot-pukyutan, na napili niyang lugar para ­maghanda para sa Tokyo Games at sa laban kontra ­Andrew Whitfield sa LA Microsoft Theater sa Los Angeles.

Apat na rounds ang paglalabanan ng dalawa sa kanilang pagtutuos (Disyembre 17 sa Maynila) para ilunsad ang prizefighting career at sukatin din ang kakayahan ni Marcial, na mabigyan ng Olympic gold medal ang bansa sa loob ng 96 taon mula noong unang lumahok ang Pilipinas sa Olimpiyada noong 1924 sa London.

Nakahanda na si Eumir para lumaban sa kanyang pro debut, proklama ng kanyang chief trainer, ang Hall of Famer na si Freddie Roach, trainer din ng kababayang si eight-division world champion Many Pacquiao, na ngayon ay senador na at may-ari ng MP Promotions.

Ito ay sa kabila ng dalawang buwan lamang na page-ensayo niya sa ilalim ng pamamahala ni Roach sa kanyang Wild Card Gym sa LA.

“Eumir is ready for his pro debut. He is a good kid. Very polite, mature, and professional. And boy can he fight!” bulalas ni Roach, pitong beses ginawaran ng karangalang ‘Trainer of the Year’ ng Boxing Writers ­Association of America.

At sapagkat hindi naman niya ikinahihiyang ­ikumpisal na idolo niya si Pacman, sinadya man o hindi, ang araw ng laban ay araw na ipagdiriwang din ni Manny ang kanyang ika-42 taong gulang.

Bago ang pagtutuos, papasok si Pacquiao at Whitfield sa bubble ngayong araw (Linggo sa Maynila) bilang bahagi ng pag-­iingat para hindi mahawa ng ­COVID-19.

“Mabuti na po ang ­nagi-ingat, malapit na ang napaka-importanteng laban sa boxing career ko, baka ngayon pa ako dapuan ng covid,” pahayag ni Marcial sa SAKSI NGAYON sa isang panayam noong Sabado.

Sumasailalim din ang talentadong Pinoy sa swab testing kada dalawang araw mula noong nakaraang dalawang linggo.

142

Related posts

Leave a Comment