HANDANG-HANDA NA!

PAGSAPIT NG Hunyo 30, ganap nang maisasakatuparan ang giit na liderato ng hindi bababa sa 31 milyong Pilipino – ang makasaysayang pag-upo ni Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. bilang ika-17 Pangulo.

Kasabay niyang uupo sa pwesto ang mga napiling katuwang sa iba’t ibang departamento – hudyat ng pagtatapos ng pamamayagpag ng ilang buwaya sa gobyerno.

Babala ni Marcos Jr. sa mga kasabay niyang manunungkulan sa gobyerno – kakapunin niya sinumang makitaan ng bulilyaso, kesehodang kaalyado o rekomendado ng mga malalapit sa kanya.

Hindi rin aniya siya magdadalawang isip na palitan agad ng mas mahusay at maglilingkod nang walang pag-iimbot sa mga sensitibong tanggapan ng pamahalaan.

Sa isang banda, angkop na manindigan si Marcos Jr. sa kanyang mga binitawang pangakong maisasakatuparan lamang kung tatalima sa ­kanyang plataporma de gobyerno ang mga katuwang na itatalaga sa iba’t ibang ahensya ng ­gobyerno.

Hindi maikakailang hitik sa katiwalian ang maraming ahensya ng gobyerno. Ito rin marahil ang dahilan kung bakit magpahanggang ngayon ay wala pang lumulutang na pangalan para sa mga tanggapang tampok sa talaan ng mga korap – kabilang ang Kagawaran ng Enerhiya, Kawanihan ng Rentas Internas at Bureau of Customs.

Ang totoo, maraming Pangulo na ang nagtangkang supilin ang korapsyon sa gobyerno. May mga magaling lang sa una, mayroon din namang deadma na nung makuha ang Palasyo.

Kung tutuusin sadyang mahirap kapunin ang katiwalian kung ang mismong Pangulo ay hindi magandang huwaran. Sa pag-upo ni Marcos Jr. bilang Pangulo, higit na kailangan ang pagbabagong patunay na iba siya sa mga nagdaang punong ehekutibo.

Gayunpaman, gaano man ka-sinsero ang ­susunod na Pangulo, hindi niya magagawang linisin ang gobyerno kung makalulusot sa kanyang bakuran ang mga masamang elemento.

Higit na angkop din marahil na bigyan ng ­pagkakataon ng sambayanang Pilipino na makapagtrabaho si Marcos Jr. na sa kabila ng ­naghuhumiyaw na tinig ng 31 milyong Pilipino na naghalal sa kanya bilang ika-17 Pangulo ay ­pinuputakte pa rin ng mga hangad lang ay mang­gulo.

182

Related posts

Leave a Comment