Hangga’t hindi kumpleto ‘bucket list’ DA ‘DI BIBITIWAN NI MARCOS JR.

WALA pa ring napipisil na hepe ng Department of Agriculture (DA) si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kaya mananatiling siya ang pinuno nito.

Sa isang panayam sa Switzerland bago pa lumipad pabalik ng Pilipinas, sinabi ng Pangulo na magtatalaga lamang siya ng kanyang successor sa oras na matapos na nila ang bucket list para sa DA.

“All the hard things, ‘yung mahirap gawin ngayon namin gagawin. ‘Pag nagawa na namin ‘yung mga bucket list namin, natapos na namin, aalis na ako. Then I will give it to somebody else,” ayon kay Marcos, kasalukuyang Kalihim ng DA.

Sa kabilang dako, nang tanungin naman kung kinokonsidera niya ang pagtatalaga ng retired military o police general bilang kanyang successor, ang sagot ng Pangulo ay “No.”

Ang katwiran ng Pangulo, ang nasabing posisyon ay akma sa isang indibidwal na eksperto sa larangan ng agrikultura.

“Kailangan eksperto sa agrikultura ang magiging successor ko. Agriculture is a very complicated subject. Hindi lang kung sino-sino basta’t magaling mag-manage sa DA. They have to understand the science… They have to understand the solution. They also have to understand the system,” ang wika ng Pangulo.

“Unless, they’re involved in agriculture. Mayroon naman nag-retire diyan, they got heavily involved in agriculture, baka marunong na talaga sila, why not?” anito.

Samantala, nagdesisyon ang Pangulo na pansamantalang mamuno sa DA para tugunan ang nagbabadyang “food crisis” sa bansa, ilang linggo matapos siyang umupo sa pagka-pangulo noong nakaraang taon.

Nakabaon na aniya ang problema sa agriculture sector kaya kinakailangan ang aksyon ng Pangulo. (CHRISTIAN DALE)

302

Related posts

Leave a Comment