Hangga’t may unprogrammed appropriations 2026 BUDGET MAAARI PA RING MAABUSO

HINDI umano maiiwasang muling maabuso ng mga tiwali sa gobyerno ang pambansang pondo hangga’t hindi binubura ang Unprogrammed Appropriations (UA) sa national budget.

Ito ang iginiit ni Akbayan party-list Rep. Perci Cendaña matapos matiyak na mananatili pa rin ang UA sa 2026 General Appropriations Bill (GAB) na inaasahang pagtitibayin ng Mababang Kapulungan ngayong linggo.

Ayon kay Cendaña, tinatayang 70% ng UA ay nakalaan pa rin sa infrastructure projects, kabilang ang P97.3 bilyon para sa Support to Foreign-Assisted Projects at P80.9 bilyon para sa Strengthening Assistance for Government Infrastructure and Social Programs (SAGIP).

“Kung susumahin, halos 70% ng Unprogrammed Appropriations sa 2026 budget ay para sa infrastructure projects — at P3 bilyon lamang ang inilamang ng budget ng Department of Health (DOH) kumpara rito,” ani Cendaña.

Ipinaliwanag niya na ang kontrobersyal na flood control projects na kasalukuyang iniimbestigahan dahil sa umano’y anomalya ay galing din sa pondong SAGIP, kaya posibleng maulit ang parehong isyu kung hindi ito maaamyendahan.

Bagama’t bukas si House Appropriations Committee chairperson at Nueva Ecija Rep. Mikaela Saunsing sa mungkahi ni Cendaña, iginiit nitong kailangang manatili ang UA upang magsilbing reserbang pondo sa mga biglaang pangangailangan ng bansa — gaya noong COVID-19 pandemic, kung saan UA ang ginamit na pondo.

Ang naturang halaga ay bahagi ng P250 bilyon na nakapaloob sa UA, bukod pa sa P255 bilyon na tinanggal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa mga infrastructure projects, karamihan dito ay flood control.

“We have to zero out the Unprogrammed Appropriations budget until we ensure that our institutions are immune from corruption. Huwag na nating payagan na patuloy na abusuhin ang kaban ng bayan,” mariing pahayag ni Cendaña.

(BERNARD TAGUINOD)

12

Related posts

Leave a Comment