CLICKBAIT ni jO BARLIZO
KUNG si Gloc 9 ay may “Hari ng Tondo”, aba meron din daw ang Bulacan.
Pero ‘di tulad ng kanta ni Gloc 9, ngayon lang nabalatan itong taga-Bulacan, kung hindi pa inangasan ang isa sa mga anak ng Presidente.
Nitong nagdaang weekend kasi, umingay sa social media na isa sa mga anak ni Pangulong Bongbong Marcos ang nasangkot sa ‘road rage’ matapos mag-overtake sa isang convoy sa bahagi ng NLEX.
Sino ang ‘makapangyarihang’ sakay ng convoy na pumalag at kinompronta ang nag-overtake na sasakyan ng makapangyarihan din sa Pilipinas?
Dyaraaaaan! Heto na, sa isang presscon ay tinukoy ni DILG Secretary Jonvic Remulla na itong si Bulacan Gov. Daniel Fernando ay mistulang hari na kapag dumaraan ay kailangan hawiin ang kanyang mga kasabay sa kalsada.
“Marami na kasing reports ng road rage na accused siya. Hindi naman criminal act ang ginawa niya, wala naman siyang pinatay, wala namang ginulpi. Wala namang ganoon. Pero it has to stop, hindi pwedeng makahari ‘yong mga governor. Hindi puwedeng ganyan. You should respect the people’s rights also,” ani Remulla.
‘Notorious’ pala si Gov. na ugaling okupahin ang 4 lane sa NLEX at walang puwedeng mag-overtake ha!
Sabi ni Jonvic, marami na raw silang reklamo hinggil sa paghahari-harian ni Fernando. MARAMI na, pero ngayon lang nila kinakastigo? Dahil ba anak ng Presidente ang inagrabyado? Paano naman ‘yun mga naunang reklamo na malamang ay mga ordinaryong mamamayan kaya hanggang reklamo na lang?
Ang mga kaso raw na ipapataw ay depende sa magiging resulta ng imbestigasyon ng LTO at Police Regional Office 3.
Ito namang mga taga-Bulacan, astang Hari pala gobernador n’yo e bakit andyan pa siya? Gusto niyo bang inaangasan lagi sa kalsada?
Ayan tuloy, ang mga netizen hindi rin napigilang bardahin itong si Gov. May mga nagsabi rin na hindi lang si Fernando ang abusado kundi maging ang kanyang mga alalay.
“Korek…nakasabay din namin ‘yan sa skyway, akala mo c donald trump sa dami ng convoy,” sabi naman ng isa pa.
May nagsabi rin na ganito ang nangyayari kapag ang isang opisyal ay hindi naaalis sa pwesto. ‘Nag-aastang Panginoon’ daw dahil alam na kukunsintihin sila ng kanilang constituents.
Hot topic ngayon sa social media si Gov. pero wag naman sanang pag lamig ng issue ay lumamig din ang aksyon ng DILG at LTO laban sa mga reklamo.
o0o
Sa pagdiriwang kahapon ng ika-40 taon ng People Power Revolution, muling nagmartsa sa EDSA ang mga miyembro ng iba’t ibang progresibong grupo para gunitain ang makasaysayang araw at ipinanawagan ang pagbuhay sa pagkakaisa.
Mula sa unang People Power, natutunan natin na walang diktadurya ang mas matibay kaysa nagkakaisang panalangin at bisig. Itinuro nito sa mundo na hindi palaging kailangang dumanak ng dugo para sa kalayaan. Ang bulaklak na inialay sa dulo ng baril ay simbolo na ang pag-ibig sa bayan ay kayang magpaluhod sa pinakamalakas na tangke. Paalala rin ito na ang demokrasya ay isang regalong dapat bantayan.
Ngunit ang tunay na aral na dapat nating baunin ay hindi natatapos sa pagpapatalsik ng isang pinuno. Ang tunay na “People Power” ay ang araw-araw na pagpili sa katotohanan, ang pagbabantay sa ating mga karapatan, at ang hindi pagkalimot sa mga sakripisyo ng mga nauna sa atin.
Ang EDSA ay hindi lamang isang alaala ng nakaraan, ito ay isang paalala sa kasalukuyan. Na sa tuwing nararamdaman nating tayo ay maliit o walang kapangyarihan, balikan natin ang kasaysayan dahil sa kalsadang iyon, napatunayan na nating ang Pilipino, kapag nagkaisa, ay kayang baguhin ang takbo ng mundo.
1
