‘MALETA SCHEME’ PINAKAKALKAL SA SENADO

(DANG SAMSON-GARCIA)

PINABUBUSISI ni Senador Imee Marcos sa kaukulang komite ng Senado ang umano’y money delivery scheme na iniuugnay sa 18 dating sundalo at kay dating Cong. Zaldy Co.

Sa kanyang Senate Resolution No. 317, iginiit ni Marcos na dapat nang imbestigahan ang mga alegasyon “para sa taumbayan” at upang mabatid ang katotohanan.

Hinamon din niya ang mga dating sundalo na humarap sa pormal na imbestigasyon at ilahad ang ebidensya sa ilalim ng panunumpa.

“Kung may paratang, ilatag ninyo nang malinaw. Kung may ebidensya, ilabas ninyo nang buong tapang. Kumbaga sa maleta, mananatiling sikreto ang laman niyan kung hindi ilalatag sa lamesa at bubuksan. Dito natin buksan sa Senado at suriin ang maleta ng katotohanan,” saad ni Marcos.

Binigyang-diin ng senadora na hindi dapat mauwi sa trial by publicity ang usapin at hindi maaaring yurakan ang dangal ng Senado at Kongreso nang walang due process.

“Pinoprotektahan ko ang Senado hindi dahil sa mga personalidad, kundi dahil ito ang tinig at tanggulan ng ating bansa,” dagdag niya.

Palasyo: Lousy Script

Tinawag naman ng Presidential Communications Office ang alegasyon bilang “lousy script, hindi pang-award winning.”

Ayon kay PCO Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, paulit-ulit na umano ang mga paratang laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr..

“Paulit-ulit na kasinungalingan laban sa Pangulo. Hindi malinis, alam mo na may kasinungalingan,” ani Castro sa press briefing sa Malakanyang.

Tinukoy rin niya ang posibilidad na may nasa likod umano ng smear campaign at sinabing obligasyon ng National Bureau of Investigation, Philippine National Police at Department of Justice na imbestigahan ang nagpapakalat ng fake news.

Nauna nang lumantad ang 18 nagpakilalang dating miyembro ng Philippine Marines kasama ang abogado na si Levi Baligod sa press conference sa Club Filipino, kung saan kinumpirma nila ang mga naunang pahayag ni retired Marine Orly Guteza hinggil sa umano’y paghahatid ng maletang pera.

Ayon sa grupo, may mga delivery umanong ginawa sa Forbes Park sa Makati at sa Paoay, Ilocos Norte, at iniuugnay ito sa flood control funds.

Navy: Apat, Hindi Marines

Nilinaw ng Philippine Navy na apat sa 18 indibidwal ay hindi kailanman naging miyembro ng Philippine Navy o Marine Corps, habang ang ilan pa ay dishonorably discharged.

Ayon kay Navy spokesperson Capt. Marissa Arlene Martinez, “based on official records, four were never members of the Philippine Navy or the Philippine Marine Corps,” Ito ay makaraang beripikahin ang pagkakakilanlan at service records ng mga indibidwal na iniharap ni Baligod sa isang pulong balitaan sa Mandaluyong City.

Nagbabala rin ang Armed Forces of the Philippines laban sa disinformation at iginiit na ang mga alegasyon ay dapat dumaan sa wastong legal at imbestigatibong proseso bago paniwalaan.

Matatandaang sinabi ni Baligod na nagsilbing bagmen ang grupo na mga nagpakilalang Marines na naghatid ng P805 bilyon kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at dating House Speaker Martin Romualdez.

Ayon kay Col. Francel Margareth Padilla, kinakailangang sumailalim sa legal at imbestigatibong proseso ang mga alegasyon bago mapatunayan.

“At present, these statements consist of allegations aired in a public forum and must be evaluated through proper legal and investigative processes before competent authorities,” ani Col Xerxes Trinidad AFP-PIO chief.

Kasabay nito, itinanggi ni dating Senador Antonio Trillanes IV ang alegasyon na tumanggap siya ng $2 milyon para sa International Criminal Court (ICC) investigation.

“I vehemently deny that I received $2M or any amount… This is an attempt to discredit the ongoing ICC proceedings,” pahayag niya, kasabay ng banta na magsasampa ng kaso laban sa mga nag-akusa.

Comelec Itinanggi Paratang

Pinabulaanan din ni Comelec Commissioner George Erwin Garcia ang alegasyong nakatanggap siya ng pera mula kay Co.

Giit ni Garcia, walang malinaw na detalye ang mga nag-akusa kung kailan at paano umano nangyari ang bigayan, kaya’t aniya’y walang batayan ang paratang.

(May dagdag na ulat sina CHRISTIAN DALE/ JESSE RUIZ/JOCELYN DOMENDEN)

2

Related posts

Leave a Comment