HARI SA HARI

NAANTALA ang pagbaba sa trono ng hari ng lansangan.

Ito ay matapos palawigin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) hanggang Disyembre ang deadline para makasali sa mga kooperatiba ang mga driver at operator ng tradisyunal na mga jeepney at UV Express.

Bumigay o natakot ang LTFRB sa malawakang tigil-pasada na ikinasa ng ilang transport group?

Hindi pa handa ang bansa sa PUV modernization. Walang solidong plano para matulungan at masuportahan ang mga driver at operator para makakuha ng modernong sasakyan dahil milyon ang halaga ng isang yunit. Wala ring saysay ang ikinanang kooperatiba. Ang nasa tuktok ng mga driver at operator ay ang pagkawala ng tradisyunal na jeepneys dahil bukod sa hindi kaya ay malaking pasanin para sa kanila.

Hindi pa kaya ang modernisasyon ng nasabing sasakyan. Marami ang apektado. Maraming jeep ang masasayang dahil nasa kondisyon pa ang mga ito para pumasada.

Kumpunihin ang sira, ayusin ang kondisyon para matiyak ang kaligtasan ng mga commuter.

Hindi palugit para maayos ng mga jeepney operator ang lahat ng kanilang mga papeles para sa inihahanda na transport modernization ang gusto ng mga nasa sektor na ito.

Walang mailatag na pangmatagalang solusyon ang pamahalaan sa urong-sulong na phase-out ng traditional jeeps kaya asahan ang darating na mga tigil-pasada. Walang saysay ang mga dayalogo dahil iba ang ginagawa ng salita sa aksyon na nakikita.

Matagal nang bumubusina ang PUV (public utility vehicle) Modernization Program at marami ang tutol dito.

May may mahalagang mga hakbang na dapat tutukan na kailangang unahin.

Nakadududa ang ekstensyon ng deadline ng prangkisa, at hangga’t walang contingency plan at malinaw na solusyon ang pamahalaan ay manaka-naka ang mga banta ng tigil-pasada. Hindi pakiusap ang nararapat, kundi ang makinig sa sentimyento ng mga apektado.

Tigil-operasyon ang PNR mula Mayo 2023 at planong magtaas ng singil ang LRT1, LRT2 at MRT 3 at kapag nawala ang mga tradisyunal na jeep, lalong lalala ang krisis sa transportasyon.

Mapupuno ang mga kalsada at lansangan, hindi na ng mga pampasaherong sasakyan, kundi ng mga taong nag-aabang ng masasampahan.

216

Related posts

Leave a Comment