NANANATILI pa rin sa bansa ang dating pulis na Lt. Col. Rafael Dumlao III, ayon kay Bureau of Immigration (BI) spokesperson Dana Sandoval.
Ang pahayag ni Sandoval ay tugon sa tanong kung ano na ang status ng dating pulis na itinuturong utak sa pagdukot at pagpatay sa Korean businessman na si Jee Ick-joo.
Sinabi ni Sandoval, nasa proseso pa ng pagsasailalim sa hold departure order (HDO) si Dumlao at hindi pa rin ito nakalalabas ng bansa.
Bukod dito, isinailalim na ng BI si Dumlao sa immigration lookout bulletin order (ILBO) upang malaman o ma-monitor kung tatangkain nitong umalis ng Pilipinas.
Aniya, sakaling makasalamuha ng kanilang mga tauhan partikular ng immigration officers si Dumlao, agad nila itong ipagbibigay-alam sa kinauukulan.
Pero hindi magiging sapat ang immigration lookout bulletin order laban sa dating pulis dahil karapatan pa rin nito na makapagbiyahe at tanging ang hold departure order mula sa korte ang paraan upang hindi na makalabas pa ng bansa.
(JOCELYN DOMENDEN)
