MULTIPLE PASSPORT NI ROQUE KAKALKALIN

MAKIKIPAG-UGNAYAN ang Department of Justice (DOJ) sa Department of Foreign Affairs (DFA) para paimbestigahan kung paano umano nakakuha si dating Presidential Spokesperson Harry Roque ng tatlong Philippine passports.

Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, ang DFA ang siyang mag-iimbestiga sa mga hawak na pasaporte ni Roque dahil sila ang nag-iisyu nito.

Hahanap aniya ang DOJ ng karagdagang impormasyon, lalo’t humiling na sila sa korte na tuluyang kanselahin ang mga pasaporte ni Roque dahil umano sa pagtakas nito sa batas.

Si Roque ay nahaharap sa kasong qualified at regular human trafficking sa Angeles City Regional Trial Court, matapos umano itong masangkot sa ilegal na operasyon ng POGO sa Porac, Pampanga.

Una nang sinabi ni Roque na ang inisyatibo para kanselahin ang kanyang pasaporte ay maituturing na politically motivated.

Roque: Fake News

Kaugnay nito, pinabulaanan ni Roque na mayroon siyang multiple passports, at tinawag ang akusasyon ni Remulla na “fake news.”

Sa isang pahayag, iginiit ni Roque na isa lamang ang kanyang ginagamit na pasaporte sa kasalukuyan.

“I am currently using one regular passport, because the other regular one (still current) has no more blank pages,” aniya.

Ayon sa kanya, kasalukuyang hawak ng Dutch authorities ang kanyang regular passport bilang bahagi ng kanyang asylum application sa Netherlands.

Nilinaw rin ni Roque na hindi na niya ginagamit ang kanyang diplomatic passport mula nang lisanin niya ang pamahalaan ilang taon na ang nakalilipas.

(JULIET PACOT)

 

69

Related posts

Leave a Comment