NANAWAGAN si Senior Citizen Party-list Rep. Francisco Datol. Jr. sa Inter-Agency Task Force na payagang lumabas ang mga senior citizen na wala namang “underlying medical conditions” na nagpapataas ng panganib na mahawahan ng kumakalat na coronavirus disease.
“Hindi naman kasi lahat ng seniors ay mahina ang kalusugan o mayroong sakit sa puso, diabetes, or immunocompromised.
Maraming senior ang very healthy naman. Payagan naman sana silang lumabas sa mga kasalukuyang quarantine level,” pakiusap ni Datol, chair ng House committee on senior citizens, sa IATF.
“Pag hindi na natin pinalabas yung senior citizens ay di man sila mamatay sa COVID-19 ay mamamatay naman sila dahil hindi sila nakapaghahanapbuhay o dahil sa kalungkutan sa kanilang mga tahanan,” pahayag nito.
Naghain pa ng dalawang resolusyon ang mambabatas tungkol sa COVID-19 pandemic nitong mga nakaraang araw. Ang unang HR 931 ay patungkol sa pagpayag sa healthy seniors na lumabas ng bahay at naglalayong imbestigahan ng angkop na komite ng Kamara ang pagpapatupad ng quarantine measures.
Ang ikalawang resolusyon- HR 950, na inihain ni Datol ay tungkol naman sa pag-postpone ng pagbubukas ng klase hanggang wala pang aprubadong bakuna laban sa COVID-19 sa Pilipinas. CESAR BARQUILLA
