CAVITE – Sugatan ang isang 32-anyos na babae makaraang tusukin ng screwdriver ng kanyang live-in partner habang sila ay nagtatalo sa bayan ng Tanza.
Isinugod sa Tanza Specialist Medical Center ang biktimang si Angela Soriano, ng Pamayanang Maliksi, Gen. Trias City, Cavite habang naaresto naman ang live-in partner nitong si Jose Cabab, 47, helper ng #146 Camia St., De Roman, Brgy. Amaya 1, Tanza.
Ayon sa ulat ni P/SSgt. Israel Villela ng Tanza Municipal Police Station, dakong alas-11:30 ng umaga nang mangyari ang insidente sa bahay ng dalawa.
Kinompronta umano ng biktima ang suspek na ikinairita ng huli kaya kumuha ng screwdriver at sinaksak si Soriano.
Agad namang nadakip ang suspek ng nagresondeng civilian security habang dinala sa pagamutan ang biktima. (SIGFRED ADSUARA)
