EMPLEYADO NG KONGRESO ARESTADO SA SHABU

RIZAL – Arestado ang isang kawani umano ng mababang kapulungan ng Kongreso matapos makumpiskahan ng ilegal na droga sa buy-bust operation sa isang lodging inn sa Brgy. Sto. Domingo, bayan ng Cainta.

Kinilala ang suspek na si Bernard Taboada, driver III sa House of Representatives at nakatalaga sa Office of the Speaker of the House.

Ayon kay PLt.Col. Rodolfo Santiago II, OIC ng Cainta Municipal Police Station, nagsagawa ng buy-bust operation ang kanyang mga tauhan laban sa suspek na napag-alaman nilang naka-check-in sa isang lodging house sa nasabing bayan.

Kabilang sa mga nakumpiska sa suspek ang 6 pirasong sachet ng pinaghihinalaang shabu, cellphone, 2 Identification Card, ATM, buy-bust money na nagkakahalaga ng Php300.00 at Php800.00 na drug money.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act ang suspek. (KNOTS ALFORTE)

187

Related posts

Leave a Comment