HERD IMMUNITY MALABONG MAKAMIT SA DISYEMBRE

LAGING ipinagmamalaki ng gobyerno, lalo na ng Department of Health (DOH), na pagdating ng Disyembre 2021 ay magkakaroon na ng herd immunity ang mga Filipino.

Tila suntok sa buwan ang statement na ito dahil hanggang ngayon ay wala pa sa 1/4 ng kabuuang populasyon ang nababakunahan.

Batay sa data Philippines coronavirus (COVID – 19), ang nagamit pa lang hanggang Hulyo 5 ay 11.4 milyong dosis ng bakuna.

Kaya, aabot lamang sa mahigit limang milyong katao ang nabakunahan sa buong bansa.

Dalawang beses dapat mabakunahan ang bawat isa, kaya kalahati lang ng 11.4 ­milyon ang naturukan ng bakuna.

Kaya, malabong magkaroon ng herd immunity sa bansa sa Disyembre 2021 dahil ang kabuuang populasyon natin ay mahigit 100 milyon.

Para magkaroon daw tayo ng herd immunity, dapat mabakunahan ang 50 hanggang 70 porsyento ng higit 100 milyon katao.

Tulad sa Caloocan City, wala silang schedule sa pagbabakuna sa unang dosis dahil kinapos na raw sila ng bakuna.

Isa sa pangunahing nakakaabala ay ang schedule ng pagbabakuna sa local government units (LGUs).

Kaya, maraming umaatras dahil sa nasabing problema.

Isa rin sa kapalpakan ay ang hindi pagtanggap ng walk-in sa gustong magpabakuna.

Paano nating masasabing “sana all” mabakunahan kung anu-anong proseso ang gustong n’yong ipatupad?

May LGUs din na gina-gamit sa pamumulitika ang pagbabakuna.

Katunayan, sa form na ibinibigay nila sa mga magpapabakuna ay makikita ang mga mukha ng mga pulitiko.

Mayroon ding palakasan kay mayor, o kay barangay chairman, dahil agad kang mababakunahan kahit walang dalang requirements.

Kung gusto talaga natin na magkaroon ng herd immunity ang mga Filipino, dapat tigilan n’yo ang pagpapahirap sa proseso.

Kung halimbawa ay wala nang tao para sa A1 category, dapat tumanggap ng iba para mabilis ang bakunahan, hindi na hinihintay pa ang iba na ayaw magpabakuna.

Maraming gustong magpabakuna, ngunit tinatamad na magpaturok dahil ­maraming prosesong pinagdaraanan bago sila mabakunahan.

Lalo na ngayon na may naglalabasang bagong ­COVID – 19 variant tulad ng Delta ­variant na nagmula sa India.

Ito raw ang dahilan, kaya dumami ang mga tinamaan ng COVID – 19 sa India.

Kaya, mag-double time sana ang mga nangangasiwa sa mga vaccination site sa buong bansa.

Doon naman sa mga pulitiko, ‘wag n’yong haluan ng pulitika ang vaccination program ng gobyerno.

Maawa kayo sa taumbayan na matagal nang naghihirap dahil sa COVID – 19 pandemic.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email: joel2amongo@yahoo.com o magtext sa cel#0919-259-59-07.

331

Related posts

Leave a Comment