ANG gintong medalyang handog ni Hidilyn Diaz sa bansa at sa kanyang mga kababayan ay pinuhunanan niya ng ‘di mapapantayang mahigit isang dekadang tiyaga, tatag ng loob, tibay ng pag-iisip, determinasyon, dedikasyon at marubdob na paniniwala sa Panginoon.
Nagsimula ito noong 2008 sa Beijing Games sa edad na 17, at sa sumunod na apat na taon sa London. Sa dalawang pagkakataong nabanggit, kinatawan niya ang bansa bilang wild card entry sa Olympics.
Walang nangyari sa kanyang kambal na partisipasyon sa Beijing at London. Ang mas masaklap, nawalan pa siya ng coach sa katauhan ni Elmer Atilano, na bigla na lang tinanggal ng mga matataas na pari ng Philippine sports.
Walang sinumang inaasahan para ipagpatuloy ang kanyang athletic career, nabigo si Haydee na mapasama sa Pambansang Koponan sa Incheon, South Korea noong 2014.
Si Haydee ay 16 taong naging estudyante ni Atilano, na siyang humubog sa Zamboangeña para maging Olympian at manatili sa national training pool.
Sa kabila nito, marami ang hindi naniniwala sa Pinay weightlifter. Laos na! Sayang lang ang pinasusuweldo! Ang opinyon ng ilang sports officials sa kanya.
Nagpulong ang coach at ang atleta kasama ang ilang naniniwala pa sa kakayahan ni Haydee. Napagtanto nilang ang paglahok sa 58-kg division na mula umpisa ay sinasalihan ni Diaz ay hindi angkop sa kanyang timbang na 55-kg. Kung kaya’t napagdesisyunan na bumaba siya sa kategoryang 53-kg. Dahil dito, binawasan ang kanyang food intake na lumabas na siyang pinakamalaking problema niya.
“Ang hirap,” daing ni Haydee sa reporter na ito noon. “I was competing na hindi halos kumakain!”
Dito na pumasok ang Philippine Sports Commission na nagbigay sa kanya ng nutritionist para tumutok sa kanyang nutritional requirements. Samantalang ang mga sponsor ay nagsimulang dumaloy kabilang si businessman-sportsman Manny V. Pangilinan sa pamamagitan ng kanyang MVP Sports Foundation.
‘Di naglaon si Haydee ay nakabalik sa kanyang dating kondisyon. Ang kanyang dating 57 kg na timbang ay bumaba sa 52.8 kaya nakalahok siya sa 53-kg division.
Makaraan ang isang taon, namumulot na siya ng mga medalya sa iba’t ibang international meet, kasama ang tatlong bronze medals sa world championships na ginanap sa Houston Texas at kung saan siya nag-qualify sa Rio de Janeiro Olympic Games.
Ang pagkolekta niya ng silver medal sa Rio ang bumuhay sa career ni Haydee. Makaraan ang dalawang taon ay nakasungkit siya ng gold medal sa 2018 Asian Games, at bago umalis patungong Malaysia ay nakapagbulsa ng gold medal sa 30th Southeast Asian Games na idinaos dito sa bansa noong 2019.
Pero hindi pa siya tapos sa kanyang misyon. May kulang pa — ang pinapangarap ng lahat ng mga atleta na Olympic gold medal.
“Yes, yun talaga ang pinapangarap ko, win an Olympic gold medal,” pagtatapat ni Haydee bago tumulak patungong Kuala Lumpur noong 2019. “Kahit dalawa kami o tatlo o marami pa. Basta kapag dumating ang panahong iyon, kasama ako sa magbibigay sa bansa ng kauna-unahang gold natin sa Olympics.”
Pangakong tinupad niya ilang araw lamang ang nakalilipas sa 2020 +1 Tokyo Olympics.
At pagkababang-pagkababa sa eroplanong naghatid sa kanya pabalik sa Maynila noong Huwebes, siniguro niyang ipag-papatuloy niya ang kanyang sinimulan sa 2022 SEA Games at sa susunod na OIimpiyada sa Paris sa 2024.
