MAHIGIT 1.3 milyong aplikante na ang natanggap ng Commission on Elections (Comelec) para sa nalalapit na 2026 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Batay sa datos na ibinahagi ng Comelec, hanggang Enero 18, 2026, umaabot na sa 1,356,410 indibidwal ang nakapagparehistro upang makaboto sa 2026 BSKE. Sa bilang na ito, 718,457 ay kababaihan habang 637,943 naman ang kalalakihan.
Mula sa kabuuang bilang ng mga registrant, 1,028,835 ang regular voters na edad 18 pataas, habang 327,575 naman ang kabilang sa Sangguniang Kabataan (SK).
Sa SK voters, 322,402 ang mga bagong nagparehistro. Mayroon ding 1,152 na nag-apply para sa paglipat ng rehistro mula sa ibang lungsod o munisipalidad, habang 384 naman ang humiling ng paglipat sa loob ng parehong lungsod o munisipalidad.
Para naman sa regular voters, 367,859 ang mga bagong nagparehistro, at 13,174 ang nagsumite ng aplikasyon para sa muling pagsasaaktibo ng kanilang voter records.
Sa regional breakdown, iniulat ng Region IV-A o CALABARZON ang may pinakamataas na bilang ng aplikante na umaabot sa 271,033. Sinundan ito ng Region III (Central Luzon) na may 159,473 at ng National Capital Region (NCR) na may 157,421.
May kabuuang 2,186 na aplikante rin ang nagparehistro sa ilalim ng Special Register Anywhere Program (SRAP) sa Comelec main office sa Intramuros, Maynila.
Ipinagpatuloy ang nationwide voter registration para sa 2026 BSKE noong Oktubre 20, 2025 at tatakbo hanggang Mayo 18, 2026. Gayunman, exempted ang mga lugar sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) bunsod ng pagsuspinde ng kauna-unahang parliamentary election sa rehiyon.
Ayon sa Comelec, maaaring magparehistro ang mga aplikante mula Lunes hanggang Linggo, alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon, sa alinmang satellite registration site o sa tanggapan ng kani-kanilang election officer (OEO).
Bukas ang voter registration para sa lahat ng uri ng aplikasyon, kabilang ang:
bagong pagpaparehistro
paglilipat ng voter records
pagbabago ng pangalan at civil status
pagwawasto ng mga entry
muling pagsasaaktibo ng rehistro
pagsasama ng mga talaan ng pagpaparehistro
at pagbabalik ng pangalan sa listahan ng mga botante
Nauna nang sinabi ng Comelec na target nitong makapagrehistro ng 1.4 milyong bagong botante para sa 2026 BSKE sa loob ng buong registration period.
(JOCELYN DOMENDEN)
50
