MAHIGIT 100 driving schools ang sinuspinde sa nakalipas na dalawang linggo dahil sa iba’t ibang paglabag, ayon sa Land Transportation Office (LTO).
“We have already suspended around 107 driving schools just in the last two weeks.
Nahuhuli, na-audit trail namin ‘yan sa iba’t ibang rehiyon sa buong bansa,” sabi ni LTO chief Assistant Secretary Vigor Mendoza II sa press conference.
“Wala nang takas ngayon. Malinaw ang instruction sa amin ng ating (transportation secretary Vince Dizon) at (President Ferdinand Marcos Jr.). Hinihigpitan po ‘yan. Wala nang lulusot,” idinagdag pa ni Mendoza.
Kaugnay nito nilinaw ng LTO na sinuspinde rin ang mga lisensya ng 10 bus driver, 8 konduktor licenses matapos magpositibo sa drug test ang mga ito habang inilabas naman ang show cause order laban sa may-ari ng truck sa banggaan sa Atimonan, Quezon.
Ang mga sinuspindeng driving school ay matatagpuan sa Central Luzon, Calabarzon at Metro Manila.
Samantala hinayag ni Mendoza na ang pangkaraniwang paglabag ay no-show o hindi pagsunod sa tamang theoretical driver’s training.
Naglabas na ng show cause order para sa mga driving school na ito para ipaliwanag nila ang kanilang panig.
Hinayag naman kay Secretary Dizon na ang Department of Transportation (DOTr) ngayong linggo ay nagkaroon ng pagpupulong sa mga concerned group para pag-usapan ang mga rekomendasyon para sa road safety.
“Maraming kailangan ayusin sa sistema,” punto ng kalihim.
(PAOLO SANTOS)
