DILIMAN, Lungsod Quezon — Aminado ang Department of Transportation (DoTr) na hihigit sa 3,000 tsuper sa Cebu ang posibleng mawawalan ng hanapbuhay sanhi ng gagawin mga pagbabago sa ipapatupad na Local Public Transport Route Plan (LPTRP).
Ito ang napagalaman mula kay Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Region VII director Eduardo Montealto sa pakikipagpulong kay Cebu governor Gwendolyn Garcia nitong nakaraang Sabado, Marso 8, 2025.
Nakasama sa pulong nina Montealto at Garcia sina DoTr secretary Vivencio ‘Vince’ Dizon, mga kinatawan ng World Bank (WB), Land Transportation Office (LTO), pamahalaang lungsod ng Cebu City at senadora Pia Cayetano.
Ayon kay Montealto, nasa 86 na porsyento nang kumpleto ang LPTRP na plano ng idetalye ang route network, pamamaraan at required na bilang ng mga unit per mode para sa paghahatid ng public land transport services.
Pinaliwanag nitong sa nalalapit na pagkumpleto ng revision ng LPTRP, inaasahang mahigit 3,000 mga dyipni drayber ang malilihis ang rota sanhi ng Cebu Bus Rapid Transit (CBRT) project.
Hinayag din ni Montealto na nasa 70 porsyento nang kumpleto ang Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ng pamahalaan habang nag desisyon ang ilang mga operator na itigil na lamang ang pamamasada ng kanilang mga utility vehicle.
Lumutang ang agam-agam ng mga tsuper ng dyipni nang ilabas ni Garcia ang kanyang pag-aalala sa pinapatupad na CBRT project kay DoTr secretary Vivencio ‘Vince’ Dizon.
Sinabi ni Garcia na kung kinonsulta ng mga nangangasiwa ng CBRT project ang iba’t ibang mga lokal na pamahalaan, nabawasan sana ang nasayang na pondo.
Naglabas umano ang gobernadora ng Memorandum 16-2024 noong Pebrero 27, 2024 para iutos sa kontratista at tagapagpatupad ng proyekto ng and CBRT Package 1 na itigil ang pagpapatayo ng mga istasyon ng bus sa kahabaan ng Osmeña Boulevard sa harap ng Capitol building, sanhi sa potensyal na mga paglabag sa Republic Act 10066, o ang National Cultural Heritage Act of 2009.
Nilinaw ng mga kinatawan mula sa DoTr na wala nang ipapatayo ng mga bus station sa pagitan ng Fuente Circle at Capitol.
Sumang-ayon dito si Dizon na nagsabing ang pagpapatayo ng mga bus station na makakaharang sa façade ng Capitol ay paglabag na sa simula pa lang.
“It’s clear in the law in the first place. Clearly, this is a violation,” wika ng kalihim ng transportasyon.
